FINALLY, BIDA na ang kapuso young actor-singer na si Ken Chan sa bagong afternoon series ng GMA na Destiny Rose. At malaking challenge daw ang kanyang role dito bilang isang transwoman na talagang magiging babaeng-babae siya sa hitsura, pagkilos, pananalita, at pananamit.
“Nakapag-start na po kaming mag-taping,” aniya. “After no’ng nalaman ko po na ako ang natanggap sa Destiny Rose, simula noon hanggang ngayon ay pinaghahandaan ko po ang character ko.”
May matinding pressure ba?
“Opo naman. Hindi naman matindi, pero may pressure po akong nararamdaman. Dahil lalo na, kailangan kong pag-ingatan ‘yong character ko rito. Dahil marami sa Philippines at sa buong mundo na transwoman. So, kailangan kong maging maingat sa pagpu-portray ko bilang isang transwoman. Kaya nga po nag-reasearch din ako tungkol dito.
“‘Yong production po, may mga ibinigay sa akin na mga kailangan kong i-research o pag-aralan na transwoman. And personally nakapag-reasearch po ako ng mga transwoman tulad nina Gina Rosero, isang Pinay transwoman na supermodel sa Hollywood. Sobrang ang galing. Sobrang do’n po ako humanga na parang nakikita ko si Destiny Rose sa kanya.”
Sa simula ng kanilang taping, hindi pa raw babae ang histsura niya.
“As Joey pa po ako. Pero hindi po magtatagal, lalabas na rin si Destiny Rose.”
Marami raw silang nag-audition for the said role. Ano sa palagay niya ang meron siya at siya ang napili?
“Nasuwertehan ko po siguro dahil feeling ko no’ng nakita ko po, ako po ‘yong may parang pinakamaliit na katawan. Kasi ‘yong ibang nag-audition, talagang mga hunk, e. So, isa po iyon sa mga factor kung bakit ako nakuha as Destiny Rose. And naghahanap din po sila ng isang lalaki na kapag ginawang babae, sobrang lambot ng features ng mukha bilang isang babae. So, iyon po ang sinabi sa akin bago mag-audition. And minassage ko ‘yong mukha ko para maging malambot siya!” natawang kuwento pa ni Ken.
Nahanap na niya ang feminine side sa personalidad niya?
“Hindi ko alam. Noong una nahihirapan akong hanapin. Kasi sabi po sa akin, lahat ng tao like kunwari lalaki ka… meron kang feminie side. Kung babae ka naman, meron kang masculine side. So ako, hinanap ko talaga ‘yong femine side ko. Noong una hirap na hirap po ako, pero napag-aaralan naman po pala para makuha mo ‘yong feminine side mo.”
Nagkaroon ba siya ng higit na appreciation sa mga babae ngayong gaganap siyang transwoman?
“Sobra! And… physically, grabe… natatakot akong magpa-wax! Dahil masakit daw. Tapos ‘yong eyebrows ko, na-counter na. May eye liner lang siya ngayon pero kapag wala, sobrang manipis na ang kilay ko. Nahirapan din ako na… sobrang hirap palang mag-heels. Sobra!” tawa na naman ni Ken. “Ang sakit ng paa ko! Pinulikat ako. Iyon ang mga naramdaman ko. Tapos ‘yong mga damit, sobrang kailangan mong magpapayat pala. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit ang mga babae sobrang conscious sa mga katawan nila. Dahil no’ng binihisan ako ng pambabae, hindi naman ako conscious sa katawan ko, pero nasabi ko… kailangan kong magpapayat. Kailangan kong maging sexy at hindi puwedeng may bilbil. Nag-workshop po ako. Meron po akong solo workshop. And nag-workshop din po kami ni Fabio Ide. ‘Yong sensuality workshop na sinasabi.”
Si Fabio ang magiging leading man niya. Pinaghahandaan na rin daw niya na hindi babae kundi isang lalaki ang magiging kapareha niya.
“May pangalan na nga ang team up namin… FabKen daw. Hindi ko alam kung paano kami tatanggapin ng viewers, pero sana suportahan kami at itong show nga naming Destiny Rose.”
Wala pa raw idea si Ken kung paano ‘yong mga sweet moment nila ni Fabio bilang mag-boyfriend at kung may kissing scene sila.
“Pero pinaghahandan ko na rin po. Handa po akong gawin lahat para mabigyang justice ang pagpu-portray ko as Destiny Rose,” nangiting huling nasabi ni Ken.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan