SA SEPTEMBER 14 na magsisimulang umere ang pinakabagong afternoon series ng GMA 7 na Destiny Rose. Bida rito si Ken Chan na gaganap bilang isang transwoman. Kampante naman daw siya na positibo ang magiging reaksiyon ng LGBT community sa Destiny Rose.
“Sobrang matutuwa sila. Dahil for me, Destiny Rose po ‘yong magiging instrument para mabuksan ‘yong isip ng mga tao about tranSwomen at ‘yong mga issues about LGBT.”
Inaasahan nga na pag-uusapan at tututukan ng marami ang Destiny Rose. Open kaya si Ken kung may lumapit sa kanya mula sa LGBT community para maging spokesperson nila halimbawa.
“Wow!” sabay ngiti ni Ken. “Gusto ko pong mangyari iyon. Gusto ko po na si Destiny Rose, maging icon. Gusto ko na maging instrument siya para sa LGBT group at magamit siya sa kanilang mga isinusulong o ipinaglalaban.”
Ang dalawang co-stars niya sa Destiny Rose na sina Katrina Halili at Sheena Halili, totoo bang sobrang supportive sa kanyang pagpu-portray bilang isang babae?
“Opo!” tawa ni Ken. “Niyaya nila akong mag-gym! Kaming tatlo raw po, bonding. As sisters, sabi nila. Tapos bibigyan daw ako ni Katrina ng pampapayat. Tuturuan daw ako ni Sheen na magkilos-babae. Tutulungan daw nila ako. Sobrang ang babait nilang dalawa. Pati si Ate Manilyn (Reynes), bery supportive din po. Siya ang gumaganap bilang mama ko. Si Sheena po, kapatid ko sa story. Tapos si Katrina, pinsan pero kontrabida siya sa buhay ni Destiny Rose. Si Joko Diaz naman po ang papa ko. Kasama rin po sa cast sina Michael de Mesa, Jackielou Blanco, Irma Adlawan, JC Tiuseco, Ken Alfonso, at si Jeric Gonzales.”
Kung kani-kaninong young actress siya sinubukang ipareha dati, kaya naman pala niyang maging solo star.
“Kay Fabio Ide lang pala… si Fabio Ide lang ang hinahanap ko pala!” natawang biro ni Ken.
Si Fabio kasi ang gaganap na leading man niya. At gaya ng nabuong tambalan nina Dennis Trillo at Tom Rodriguez dati sa My Husband’s Lover na TomDen, meron na rin daw bansag sa kanilang tandem… ang FabKen.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan