Kilalanin si Makilala ng Bilibid

MAYROON AKONG napuna rito sa paglutang ni Kabungsuan Makilala na nagsabing may mga anomalya si Bureau of Corrections Director Gaudencio Pangilinan.

Maliban kasi sa kanyang paratang na ilang proyekto ang sadyang iniiwas umano sa “bidding” dahil kusang ipinagkakaloob ni Pangilinan sa mga kaibigan nito, sa VIP treatment kay Rolito Go at sa kamangha-manghang pagbili ng mga bigas, isang bagay rin ang inamin nitong si Makilala.

Na masama ang kanyang loob kay Gen. Pangilinan dahil ipinatanggal ng nasabing Bucor Director ang canteen ni Makilala.

Kung totoong maanomalya ang pamunuan ni Pangilinan, bakit kaya hindi ito ibinulgar ni Makilala noong hindi pa ipinagiba ang kanyang canteen?

I mean, bakit hindi lumantad at nagdadakdak si Makilala noong wala pa siyang sama ng loob laban kay Director Pangilinan?

Kasi naman, Ginang… este, Ginoong Makilala, kahit sinong matino ang mag-aanalisa, naroon palagi ang hinala na nagpaparatang ka lamang para siraan si Pangilinan dahil galit ka.

Ibig kong sabihin, higit na magiging credible ka at madaling paniwalaan ang iyong litanya kung malinis ang iyong budhi habang dinuduro mo si Director!

Ni minsan, parekoy, ay hindi natin nakausap o nakaharap itong si Director Pangilinan, pero sa parehas na pag-iisip at kung batas ang pag-uusapan ay masasabi ko na ginagago tayo nitong mga isiniwalat ni Makilala.

Bakit? Aba eh, maliwanag sa ating Procurement Law na ang isang proyekto na hindi umabot sa “ceiling” ang halaga, bagama’t hindi ito dadaan sa “bidding process” ay hindi pa rin maaaring i-pagkaloob ang kontrata sa sinumang pinapaburan na contractor/supplier, dahil may proseso pa rin na dapat sundin.

Gaya ng pag-canvass sa “at least tatlong supplier” at sinuman sa mga ito na may pinakamababang presyo at/o quality na higit na paborable sa pamahalaan, ay ito ang makakukuha ng kontrata!

Nauunawaan mo ba ito Kabungsuan Makilala?

Bago ko ilabas, parekoy, sa sunod na isyu ang resulta ng personal kong pag-imbestiga sa isyu ng pagkain at VIP treatment umano kay Rolito Go, may ilang katanungan lamang tayo rito kay Makilala: 1) Ikaw ba Kabungsuan Makilala ay tunay na lalaki o isang bakla?; 2) Gaano ka-totoo ang sinasabi ng ilang empleyado na kaya ipinagiba ni Director ang iyong canteen dahil maliban sa wala itong permiso ay ginawa mo itong 2 palapag at napakaraming lalaki ang palaging nakatambay sa itaas nito, na posibleng mag-breach sa ilang prison security measures?; 3) Kilala mo ba sina Linda Lim at Dante na mga may-ari ng “Golden Tastes” at “Mang Kiko” catering services?; 4) Totoo ba na masama rin ang loob nila kay Director dahil natigil ang monopoly nila sa kontrata nila sa pagpapakain sa mga preso?;  at 5) Sila bang dalawa? Isa lang sa kanila? O may ibang nag-finance para gumawa ng senaryo na mapatalsik si Director para muling ma-monopolya ang pagkain sa Bilibid?

Dahil sa kawalan ng espasyo, parekoy, sa sunod na isyu natin kukumpletuhin ang pagsuri rito sa mga kaganapan sa Bilibid.

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 31 February 22 – 23, 2012 Out Now!
Next articleLawa

No posts to display