ISANG BAGAY NA nakasisiguro ang inyong SHOOTING RANGE tungkol kay PO3 Erwin Soliano ng MPD Station 6 ay ang tawagin siyang mamamatay-tao dahil inamin niya mismo na napatay niya sa pamamaril ang dalawang menor de edad na lalaki sa loob ng isang kuwarto sa presinto habang ang mga ito ay kanyang iniimbestigahan.
Nakasisiguro rin ang inyong SHOOTING RANGE na mahuhulaan ninyong lahat ang ibinigay na dahilan ni Soliano sa mga kinauukulan kung bakit niya napatay ang nasabing mga kabataan.
Noong Lunes, April 4, 2011, dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR) ang isang babae na nakasaksi sa pagkahuli at pagkapatay kina Jeffrey Camposano, 15 years old, at Ruzzel Gaboy, 16 years old.
Habang nagbibisikleta ang magkaibigang Jeffrey at Ruzzel sa may Sta. Ana, Manila noong March 28, Lunes, bandang 8:30 ng gabi, hinarang ni SPO1 Romeo Ca-yabyab ang dalawa at inaresto.
Dinala sila sa Station 6 dahil sa kasong pagbibitbit umano ng pen gun. Ikinalaboso ang dalawa at inutusan ang mga preso sa loob ng kulungan na bugbugin ang mga ito, ayon pa sa testigo. Makalipas ang ilang sandali, kinuha ni PO3 Soliano sila Jeffrey at Ruzzel sa kulungan at dinala sa isang kuwarto.
Pagkaraan nang ilang saglit, nakarinig ang testigo ng isang putok ng baril na umalingawngaw mula sa kuwarto na kinaroroonan nina Jeffrey at Ruzzel. Pagkatapos ng putok, nakita ng testigo na tumatakbo palabas ng kuwarto si Jeffrey at nagsisisigaw ng “Tulong, binaril si Ruzzel sa sentido.”
Hindi pa nakakalayo si Jeffrey, nakuwelyuhan agad ito ni Soliano at ibinalik sa kuwarto. Pagkaraan nang ilang saglit, muling umalingawngaw ang isa pang putok ng baril. ‘Di kalaunan, nang dumating ang mga magulang nila Jeffrey at Ruzzel para bisitahin dapat ang kanilang mga anak, pinagsabihan silang patay na ang dalawa.
Sinabihan din sila na ang kanilang mga anak ay nabaril ni Soliano dahil tinangka nilang agawin ang baril ng pulis. Iginigiit ni Soliano sa kanyang mga amo sa MPD na kaya raw niya nabaril sina Jeffrey at Ruzzel dahil gusto raw makatakas ng dalawa kaya tinangka nilang agawin ang kanyang baril.
Ngayon, ang tanong, maniniwala ba kayo sa bersyon ni Soliano? Isa pang impormasyon na ibinigay ng testigo sa inyong SHOOTING RANGE ay nakaposas daw si Ruzzel nang dalhin ni Soliano ito papasok ng kuwarto.
ANG MADALAS NA pagbibigay ng mga pulis ng dahilan sa pagkakabaril sa isang suspek habang nakaposas sa loob ng presinto ay dahil tinangka nito na agawin ang kanilang baril ay isang malaking panlalait at pang-iinsulto sa pag-iisip nating mga sibilyan.
Maliwanag na ang tingin ng mga pulis na gumagamit ng ganitong bersyon sa ating mga sibilyan ay paniniwalaan natin sila sapagkat tayo ay mga istupido at bobo samantalang sila ay mga henyo.
Ang mas nakakapikon pa, ang mga mismong amo ng mga pulis na ito ay pilit nila tayong pinaniniwala na nangyayari talaga ang tangkang pang-aagaw ng mga nakaposas na suspek sa baril ng mga pulis habang iniimbestigahan sa loob ng presinto kaya nababaril.
Ang WSR ay napapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0917-7-WANTED at 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo