PROMO O ARTE?
Sa ilang hindi makaiintindi sa nangyari kay Gerald Anderson sa press conference ng bago nilang pelikula ni Kim Chiu sa Star Cinema, ang ‘Till My Heartaches End. Kahit na nag-hyperventilate na ang aktor sa tindi ng sama ng loob na gustong sumabog mula sa dibdib niya, marami pa rin ang gustong tingnan ang nangyari na may kinalaman sa pelikula nila para pag-usapan ito lalo.
Kaya ang direktor ng pelikula na si Jose Javier Reyes ang kinausap ng press matapos nga na hindi na makabalik si Gerald sa entablado ng Dolphy Theater, kung saan nakaupo ang mga artista ng pelikula para matanong ng press.
“Hindi naman mawawala ‘yung naging ‘love’ nila for each other ng apat na taon. Kahit pa sabihing M.U. ‘yan o kung anupaman, ang pinag-uusapan eh, kung paano silang nag-care para sa isa’t isa sa loob ng mga panahon na ‘yun. And I understood where Gerald was coming from. Kaya nga noon pa, gustung-gusto ko nang makasama ang dalawa. Dahil habang napapanood ko sila mas lalo ko nakikita na patuloy ang growth nila as actors sa mga ginagampanan nila.
“Ako, I will agree with Gerald na sana, ang mga tagahanga, hayaan din silang enjoy-in nila ang mga pribadong buhay nila. Hindi porke’t sinasabi nating mga public figures sila eh, may karapatan na tayong kalkalin ang bawat himaymay ng buhay ng mga iniidolo nila. Hindi gano’n ‘yun. May hangganan din.”
Sabi nga, be careful with what you wish for. Natupad nga ang wish ni Direk na makasama sina Kim at Gerald, but how?!
“September 15 nu’ng makatanggap ako ng tawag from Star Cinema. Tinanong ako kung may ginagawa ako. So, I told them all my commitments sa TV at ‘yung possibility na magsimula ako sa Cinemalaya.
Then, they asked me kung gusto kong gumawa sa kanila. Sabi ko, depende kung sino ang makakatrabaho ko. Kim and Gerald daw sana. ‘Yun na ang magic word. Eh, ‘yun nga ang hinihintay ko. So, sabi ko, game!
“Muntik lang ako mawindang sa kasunod na sinabi. May playdate na raw. Sabi ko naman, kelan? January ba? after Metro Manila Film Festival ba? Hindi raw. Sabi ko, kung November, kaya pa. Hindi rin daw. October 27 daw. Eh, September 15 nu’n. Kaya sige, sabi ko, magkita na tayo bukas at mag-usap na. Sabi ko, ipadala na agad sa akin ang script. Wala pa raw. Kaya sabi ko, sige mamaya na tayo magkita. Nu’ng kausapin nila ako, nasa Trinoma lang ako. Kaya on the way to ELJ-Starbucks, binuo ko na sa utak ko ang plot ng script. Naisip ko ‘yung mala-500 Days of Summer. Eh, love ko ‘yung movie na ‘yun. Pero siyempre, hindi ko ito puwedeng kopyahin. Kaya, ‘yung structure lang nito ang inikutan ng plot ko. Kaya ang kuwento, inilagay ko sa points of view ng mga kaibigan sa paligid nila.”
At dahil nga rito, mas nakita raw ni Direk ang samahan ng dalawa at pinalutang niya ang kakayahan nila para umatake ng more mature roles.
“It shows the journey of two people in love. From where it started to where it is going. Kaya ‘yung nangyari na ‘yun kay Gerald sa press conference natin, that’s where he is coming from. The first days ng shoot namin, yes, napansin ko na may ilangan sa pagitan nila. But I talked to them. Na trabaho ito. And whatever it is na pinagdaraanan nila that time eh, isantabi muna nila. At alam ko nga na hindi mawawala agad-agad ‘yun pero ang laki ng naitulong nu’n para matulungan nila ang characters nila sa pelikula that made it more real sa inasahan ko.”
Direk Joey shot two endings sa movie. Ibabase ba niya ang ending ng pelikula sa kung nasaan talaga ngayon sina Kim at Gerald in real time?
PAG-UWI PA LANG ni Vice Ganda mula sa kanyang back-to-back show with Lani Misalucha sa Amerika ay saka pa lang siguro maibibigay sa kanya ni Boss Vic del Rosario ang bonus dahil sa naging pagsipa sa takilya ng Petrang Kabayo na pinagbidahan niya.
Kaya last week, masayang-masaya na ang manager ni Vice Ganda na si Ogie Diaz at naikuwento na sa press na sa sandaling tuparin ni Boss Vic ang pangako nito, mababahaginan ang mga tumulong kay Vice Ganda para mas umugong pa at mapag-usapan ang minsan na ring naging blockbuster na pelikula nu’ng si Konsehal Roderick Paulate ang nagbida rito.
So, alam n’yo na, mga kapatid…
The Pillar
by Pilar Mateo