HINDI LAMANG BODY language ang nagre-reveal sa real score ng relasyon nina Kim Chui at Gerald Anderson, kundi ang direktang pag-amin ng binata na tapos na ang friendship stage nila ng dalaga.
“Oh, sige. Mag-M.U. na kami. Super duper duper M.U.!” Aniya. Ibig sabihin, may mutual understanding na sila. Hindi na talaga nila kailangan pang paaminin kung ano talaga ang totoo. Apat na taon na nating pinipilit ang couple tungkol sa pinupuntahan ng kanilang pag-iibigan. Talaga naman kasing may relasyon. Ang pinupunto lang naman ng mga nagtatanong ay kung gaano na kaseryoso ito. Dumating na ba sa puntong nagbabalak na silang magpakasal?
Siyempre naman hindi. HINDI PA! Unang-una, batang-bata pa nga naman sila. Pangalawa, ‘pagka’t galing sa hirap ang pamilya ni Kim, natural lamang na gusto pa niyang magtuluy-tuloy ang kanyang tagumpay. Nakaaapekto nga naman sa popularidad ng isang artista ang status ng pakikipagrelasyon. Ano na nga naman ang mangyayari? Kapag friends pa lang kayo, gusto ng mga tao na mag-ibigan kayo. Kapag naman nag-ibigan, hinihintay na mag-break kayo. Kapag nag-reconcile, gusto nang magpakasal sila.
At kapag kasal na, magpa-pamilya na. Mawawalan o mababawasan ang ningning ng pagkabituin nila.
Nakahanda na ba si Gerald, lalo na si Kim?
Siyempre, hindi. Kaya, magsaya na tayo sa pahayag ni Gerald na mag-M.U. na sila.
Ganu’n din sa nakakikiliting pag-amin ni Kim na “Sige, sumasarap na nga ang mga halik ni Gerald!” sa pelikulang Paano Na Kaya? kung ikukumpara sa halik nilang ginawa sa I’ve Fallen For You movie nila noon. Siyempre, ang sarap ng halik na iyon ay mas masarap kapag hindi sila nakaharap sa camera. Nagpapakatotoo lang silang aminin na ang mga halik na iyon ay sini-share nila kahit nasa likod na sila ng camera. Hindi na sila mga bata at may lisensiya na silang namnamin ang sarap na dulot ng pag-ibig.
Knowing Kim, hanggang doon lang ang sine-share nilang ito. Ganu’n din ang halos araw-araw na pagkikita at pagsasama nila. Sa shooting, tapings, mall shows, personal appearances at iba pang activities sa showbiz. Nagkahiwalay lang yata sila noong Pasko at Bagong Taon. For the first time ay dinalaw kasi ni Gerald ang iba pa niyang relatives sa U.S of A. Pero, pagdating naman niya (after only a week) ay sila na naman ni Kim ang laging magkasama. Sobra nga ang pagka-miss nila sa isa’t isa.
Idagdag pa natin ang mga pahayag ng director nilang si Ruel Bayani. Hay, naku, hindi ito nagpapigil na ikuwento ang nangyayari sa harap at likod ng camera.
“Sobra-sobra ang kanilang halikan,” elaborate niya. “Tatlong eksena lang itong mapapanood sa buong pelikula. Pero, in between takes, siyempre ipapaulit-ulit iyon sa kanila. Na ginagawa naman nila, with feelings, ha?!”
Inamin din ni Direk na kahit sa likod ng camera ay may mga katulad ng eksena rin ang kanyang mga bida.”Kailangan pa bang pakiligin ko kayo, eh, kilig nga pati co-stars nilang sina Melissa Ricks, Robi Domingo at maging si Rio Locsin.”
BULL Chit!
by Chit Ramos