Maingay na pinag-uusapan ang seryeng pinagbibidahan ng premier love team ng bansa na sina Kim Chiu at Xian Lim dahil sa bilis ng takbo ng mga pangyayari rito at ang magagandang kuhang ipinakikita ang ganda ng El Nido, Palawan.
“Feels like watching a movie sa The Story of Us. Galing ng cinematography, HD pa,” komento ng isang Twitter user.
Damang-dama rin ang emosyon sa bawat eksena hatid ng tagos sa pusong pagganap ng buong cast na kinabibilangan nina Aiko Melendez, Susan Africa, Gardo Versoza, at Zsa Zsa Padilla.
Hindi rin nagpahuli ang batang Macoy at Tin na ginampanan nina Zaijian Jaranilla at Alyanna Angeles, na lumitaw ang husay sa acting at nagsilbing pundasyon ng pagkakaibigan at pagmamahalan ng dalawang bida.
Ngunit pinakanagmarka sa mga manonood ay sina Kim Chiu at Xian Lim, na agaw-pansin ang kakaibang atake sa kani-kanilang dramatic roles na ibang-iba mula sa mga papel na nagampanan nila noon.
“Itong materyal ay pinaghirapan namin. In-embrace talaga namin ang mga karakter to show you a very wonderful love story. Marami pa po kayong dapat makita sa amin ni Kim,” saad ni Xian.
At kahit pa pinamagatang “The Story of Us”, tinitiyak ni Kim na sinasalamin nito ang love story ng mga Pilipino.
“Walang kahit sinong hindi makare-relate dito sa kuwento. Kahit sino, alam mong napagdaanan nila ‘yun,” wika pa niya.
La Boka
by Leo Bukas