Walang arte, walang kiyeme. Diretsahang sinagot ni Kim Chiu ang tanong ng mga reporter kung gusto ba niyang maging isa sa mga permanenteng host ng noontime show na “It’s Showtime”.
“Siyempre, oo!” mabilis na tugon ni Kim.
Sa nasabing interview sa kanya sa Eduk Circle Award noong Sabado, September 17, sinabi rin ni Kim na pangalawa lang ang hosting sa mga gusto niyang gawin sa showbiz industry.
Pero gusto ko talaga, umarte. Number one talaga ‘yung acting, second ‘yung hosting, dancing, tapos last ‘yung singing,” ani Kim.
Isang linggo ring guest co-host si Kim sa nasabing noontime variety show habang naka-leave ang isa sa main co-host na si Anne Curtis. Ayon kay Kim, masaya siya sa pagkakasama sa “It’s Showtime”.
“Natutuwa rin akong mag-‘Showtime’. Hindi naman ako (mainstay) roon. Pandagdag lang habang wala pa ‘yung totoong host talaga. Natutuwa naman ako,” aniya.
Bentang-benta naman sa manonood ang nakaaaliw na ‘kagagahan’ ni Kim. Spontaneous lang ang pagbato niya ng mga linya na mas nakatatawa kaysa nakaiinis ‘pag mali ang kanyang mga hirit. Paano naman kasi, nauuna pa siyang matawa sa sarili kaysa sa audience ‘pag na-realize niyang may sablay sa kanyang sinabi.
“Walang script. So, sorry. Medyo tatanga-tanga rin minsan. Pero natatawa naman sila. Sabi ko, ‘My gosh, napaghahalataan ‘yung totoong IQ ko!’ Wala namang taong perfect. At least napatatawa ko sila, napasasaya ko sila,” sabi ni Kim.
Ayon pa kay Kim, gustung-gusto niya pagho-host sa nasabing noontime program dahil nailalabas niya ang kanyang bubbly side na madalang makita ng publiko.
Bukod nga sa nakaaaliw na ‘kagagahan’ ni Kim sa show, bumenta rin nang husto sa live audience at TV viewers ang trademark na halakhak ng Tsinitang aktres.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores