NAILAGAK NA sa kanyang huling hantungan ang ina ni Kim Chiu na si Louella Yap Chiu sa Cebu Memorial Park (CemPark).
Ayon sa ulat ni Carine Asutilla, ABS-CBN News Central Visayas na nalathala sa abs-cbnnews.com noong June 29, sinabi nitong dinaluhan daw ang funeral ng mga malalapit na kaibigan, kapamilya at si Kim mismo na dumating galing sa biyahe nito sa Thailand para sa isang commercial shoot.
Umalis daw ang funeral convoy mula sa Cosmopolitan Funeral Homes sa Nivel Hills, sa Lahug, Cebu bandang alas-nuwebe ng umaga para sa isang misa na idinaos naman sa St. Therese Parish bago sila tumungo sa CemPark.
Lahat ng mga dumalo sa misa at libing ay nakasuot ng puti. May halos isandaang katao raw kasama na ang mga kapatid ng ama ni Kim na si William ang sumama sa paghatid ng asawa sa huling hantungan nito.
Alas-diyes ng umaga sinimulan ang misa, kung saan dumating ang aktres ilang minuto pagkatapos simulan ang naturang pagbe-bendisyon sa simbahan.
Mababanaag daw sa mga mata ni Kim na maga ang mga mata nito pero natatakpan ito ng kanyang suot na sunglasses na hinubad naman nito pagpasok sa simbahan habang inalalayan siya ng ama.
Kararating lang daw ni Kim mula sa Thailand para sa nasabing shoot ng isang commercial na kanyang napirmahan dalawang taon na ang nakalipas.
Napalilibutan daw ng mga pulis ang simbahan habang nagmimisa para raw mapangalagaan ang katahimikan ng funeral mass, dahil marami raw fans si Kim na nakiusyuso sa labas.
Malalapit lang daw na kaibigan at kamag-anak ang pinayagang makapasok sa simbahan.
Ayon naman kay Fr. Ronaldo Paulino, na siyang nangasiwa sa misa, sinabi nitong nasa ospital daw siya nang ma-confine si Gng. Luoella. Sinabi pa nitong humingi sa kanya ang pamilya ng dasal para kay Mrs. Chiu.
Sinabi pa nito sa misa na magpasalamat kay Louella at patawarin ito sa kanyang mga pagkukulang.
Matapos ang misa, ang funeral convoy raw papuntang CemPark ay dumaan sa Cebu I.T. Park na siyang inirekomenda na daan ng isang feng shui expert.
Sa libing, sinunod ng pamilya ang nakagawiang tradisyon ng mga Chinese kasama na raw ang pagsusunog ng ilang mahahalagang gamit ng namayapa at ang pagbitbit ng litrato nito ng panganay na anak.
Bandang tanghali rin, nag-post si Kim sa kanyang account sa photo-sharing website na Instagram ng isang litrato niya na parang sakay ng isang bangka habang nakatanaw sa malayo. Makikita rin dito ang magandang sinag ng araw.
Nakasulat dito, “We may not have the chance to see each other’s faces, to talk about random things, to share my secrets to you, to have a mother/daughter bonding that I’ve been longing for so long but after everything that has happened…”
“I’m still thankful to God that I saw you before you left even if you didn’t see me I know in my heart you heard me.”
“I just hold on to the thought that you are now in a better place where there is no more pain and suffering.”
“I love you mama always and forever.”
Ayan at kahit ilang araw na wala si Kim sa burol ng ina, nakahabol naman ito sa libing. May the soul of her mother rest in peace.
KAHAPON, JUNE 30, nanumpa na bilang bagong mayor ng Maynila ang dating presidente ng Pilipinas na si Joseph ‘Erap’ Estrada. And as we go to press, wala pa kaming masyadong alam sa detalye sa nasabing oath-taking and inaugural ceremony na ginanap sa Manila City Hall. Basta lang invited kami bilang staff ng kanyang production at masugid na taga-suporta mula pa noong college days pa lang namin. Ako na talaga, selfie much.
Well, congrats Mayor Erap! At sana nga matupad lahat ang pinangako mong magbabago ang lungsod mula sa mga dating nagpapahirap nito. Pak!!!
Sure na ‘to
By Arniel Serato