YES OR no lang for an answer, pero hindi masagot nang diretso ni Xian Lim ang tanong kung nanliligaw na nga ba siya kay Kim Chiu. Tuloy may mga nagdududa sa tunay na intensiyon nito sa young actress. Baka naman daw sinasakyan lang niya ang nabuong tandem nila sa My Binondo Girl para sa tuluy-tuloy na pag-angat ng kanyang career.
Bilang bagong ka-loveteam kasi ng kung bansagan ngayon ay Primetime Princess ng ABS-CBN, mabilis na nakilala si Xian. At ngayon nga ay marami na ang fans ng tambalan nila.
“Ako, hindi ko naman siyempre kayang i-please ang lahat ng tao,” reaksiyon ni Xian nang makausap namin recently. “Siyempre, normal lang po na may ibang mag-iisip ng ganyan. And, uhm… paulit-ulit po akong mag-i-explain. Kahit isang libong beses pa po. Na… wala pong gano’n. Wala po akong gano’ng pakay. Wala po akong gano’ng intention. Basta po… nandito lang ako para kay Kim. Ipinapakita ko na special siya sa akin. Gusto kong iparamdam sa kanya that I care for her. She’s really special for me. I’d like to take things step by step,” na-ngiting sabi pa ng binata. “Mangyayari naman ‘yon if it’s really meant to be. Ako… I just wanna make her feel special. Everytime I’m there with her, I just want her to feel special all the time. ‘Yon nga po… everytime na lalabas kami, everytime na magkasama kami by chance… taping man ‘yan o hindi trabaho, I just want her to be special. In every single way. Basta gusto ko lang munang iparamdam kay Kim na special siya. Hindi ako mag-aaksaya ng panahon kung hindi ko maipaparamdam sa kanya iyon. And everytime nga na I’m with her, she’s always special para sa akin.”
At sa mga nagdududa sa sinseridad niya kay Kim, ang tanging masasabi lang daw ni Xian…“Basta paulit-ulit ko lang sasabihin na ipaparamdam ko sa kanya na special siya. Iyon na ‘yun.”
May kokontra pa ba?
IPINAHARANA SA isang choir sa set mismo ng My Binondo Girl nitong December bago ibinigay ang Christmas gift sa kanya na sa isang lap pillow. Palagi siyang sinu-sorpresang bigyan ng bouquet of flowers. ‘Yong mga ganitong romantic gestures sa kanya ni Xian Lim ay labis naman daw ikinatutuwa ni Kim Chiu. ‘Yon nga lang, hindi niya masabi kung talaga bang ‘yong magandang samahang nabubuo ngayon sa pagitan nila ay matutuloy nga sa totohanan na.
“Siyempre, nag-iingat din ako sa nararamdaman ko and sa… kung kanino ko ibibigay ang puso ko. ‘Yon!”
Magtatapos na ang My Binondo Girl. Paano kung magpatuloy pa rin ang panunuyo sa kanya ni Xian?
“’Yon… do’n talaga mapu-prove na totoo ‘yong ginagawa niya for me. Na talagang after ng show eh, nandiyan pa rin siya.”
Matatagalan pa ba bago siya makumbinsi na wala nang dapat pang i-prove si Xian sa intensiyon nito sa kanya?
“Ah… depende. Siyempre I want to take things slow. And… dahan-dahan lang para sigurado ka talaga sa nararamdaman mo.”
Alam ng lahat kung paano nga nasaktan nang husto si Kim sa naging pagtatapos ng relasyon nila noon ni Gerald Anderson. Na pati fans nila, naapektuhan din talaga.
Matatagalan pa nga ba bago niya muling buksan ang kanyang puso para sa isang panibagong pag-ibig? Malabo siyang magka-boyfriend ulit ngayong 2012?
“Uhm… ako, dahan-dahan muna. Kasi… hindi naman ako nagmamadali, eh. And… kilig-kilig lang muna. Hanggang do’n lang muna.”
Pumapasok ba rin sa isip niya ‘yong thought na… baka kaya siya espesyal at sinusuyo ni Xian ay dahil sa tambalan nila?
“Minsan. Minsan. There are times. Pero nakikita ko naman ‘yong sincerity niya, eh.”
Ano ba ‘yong mga nakita niya sa binata na patunay na genuine naman ang sincerity nito sa kanya?
“Uhm… nandiyan lang siya lagi. And hindi naman… Basta! Mararamdaman mo naman iyon, eh.”
Nasaktan siya nang husto sa break-up nila ni Gerald Anderson. Malaking bagay ba ‘yong pagdating ni Xian sa buhay niya para mas ma-lighten up pa siya from what she has been through?
“Uhm… siyempre. In a way… in a way rin. And part of growth din naman ‘yon, eh.”
Matagal na panahon din bago muling naging kapansin-pansin na nakakangiti na naman siya at nakakatawa nang husto ulit. Na kinikilig-kilig na naman at may kakaibang glow again in her face.
“Ano… masaya lang. And nakakatuwa kasi siyempre time na rin para… hindi naman forever malungkot sa buhay. Dapat naman maging masaya.
“Pero mag-ingat-ingat lang tayo nang konti. Para hindi na ulit masaktan.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan