“Parang ang daming fears na sumasailalim sa bawal lumabas – yung pandemic, yung judgmental people. Pero at the end of the day nalagpasan ko silang lahat. At ‘eto ako, nagpo-promote ng movie,” pagbabalik-tanaw ni Kim sa matinding pinagdaanan.
Paano ba niya na-overcome ni Kim ang mga isyung kinasangkutan?
Tugon ng aktres, “Wala. Hinahayaan ko na lang sila. Iniisip ko na lang hindi ko sila kilala. Yon ang lamang ko sa kanila – sila kilala nila ako, so kung magsalita ka ng masama sa akin hindi kita kilala. Hindi naman tayo rubbing elbows, so hindi yon magma-matter sa akin.”
Nakausap namin si Kim sa face to face presscon ng kanyang horror movie na Huwag Kang Lalabas na ginanap sa Fishermall cinema few days ago. Ang Huwag Kang Lalabas na isang trilogy movie ay entry ng Cinema Obra sa 2021 Metro Manila Film Festival sa Dec. 25.
Si Kim ang bida para sa episode na Hotel kung saan kasama niya dito sina Brenda Mage, Jameson Blake at Tina Paner.
“Ginawa ko ito dahil nami-miss ko pong umarte. Na-miss ko po talagang mag-acting parang ang tagal-tagal na po kasi. And then in-offer po sa akin itong movie na ‘to, and yon nga horror, another challenging movie for me dahil nga matatakutin ako, so yon, ti-nake ko po yung challenge without knowing na babalik na po pala yung cinemas after pandemic.
“And then nakapasok pa po kami sa Metro Manila Film Festival, so parang ano siya, ang sarap sa pakiramdam na sa pagbabalik ng sinehan ay kasama po kami,” pagbabahagi ni Kim kung bakit tinanggap ang Huwag Kang Lalabas project. Hindi naman matandaan ni Kim kung pang-ilang horror film na niya ang Huwag Kang Lalabas.
“Hindi ko na matandaan, eh. Parang yung U-turn ata ang last horror na ginawa ko na ipinalabas sa ktx.ph,” sambit niya.
Napi-pressure pa ba siya kapag tinatawag na “Horror Priness?”
Nakangiti niyang sagot, “Hindi naman po ako nagpapadala sa pressure. Ang gusto ko lang naman pong gawin ay umarte kaya ginawa ko itong movie. Kasi isa yon talaga sa mga passion ko. Nagpapasalamat na lang din ako na binigyan nila ako ng ganung title, pero iba naman yung title sa passion.”
Kasama rin cast sa Huwag Kang Lalabas na idinirek ni Adolf Alix sina Elizabeth Oropesa, Beauty Gonzales, James Blanco, Joaquin Domagoso at Aiko Melendez.