SI KIM DOMINGO pala ang na-blind item na magandang aktres na nagpositibo sa COVID-19 habang naka-quarantine sa isang hotel. Kasali dapat ang dalaga sa highly anticipated action-romance series na ‘Love. Die. Repeat‘ na pagbibidahan nina Jennylyn Mercado at ang bagong Kapuso na si Xian Lim.
Sa kanyang Instagram account mismo ni Kim kinumpirma ang nakakalungkot na balita.
“Nag-positibo ako sa COVID-19. First of all, hindi ko in-expect na tatamaan pa ako sa sobrang pag-iingat na ginagawa ko. Kumpleto din ako ng vitamins at fully vaccinated,”
Ikuwinento rin niya na masyado siyang maingat. Nagshoshower ito pagdating sa bahay kapag galing sa labas, gumagamit ng UV sterilizer, nagdidisinfect ng mga gamit, at pagiging extra maingat kahit sa mga food deliveries. Sinisigurado rin niya na maingat din ang kanyang pamilya na kasama niya sa bahay.
“Minsan pinagtatawanan na nga ako. Para sa ‘kin hindi ‘yun pagiging maarte kung ‘di pag-iingat. Ganito ‘yung paraan ko ng pag-iingat. Pero laking gulat ko na kahit sobrang ingat ko na, tinamaan pa din ako. Hindi din ako masyado lumalabas unless meron ako importante na gagawin. Naka-suot din ng mask palagi. Pag nasa labas ako, todo alcohol lalo kapag meron ako hinawakan na bagay sa labas. Hindi din ako humahawak sa mukha ko,” sambit pa niya.
Kahit na sobrang maingat, ikuwinento ni Kim na nakaranas siya ng pagkapagod at runny nose noong August 26.
Noong Biyernes, August 27 ay tinamaan na ito ng fever, pero meron pa rin siyang panlasa. Dumaan siya sa isang RT PCR testing at nakuha rin niya ang resulta noong gabing iyon.
“Sobrang gulat na gulat ako, ‘di ko akalain na makakalusot sa kagaya kong sobra-sobra ang pag-iingat,” ani Kim.
Ibinahagi niya na by Saturday ay nawalan ito ng pang-amoy at panlasa, pero okay pa rin ang kanyang pakiramdam. Wala na ang kanyang fever by Sunday. Kahit wala pa rin itong panlasa ay nagbiro pa ito na matakaw pa rin siya.
“Mas okay na pakiramdam ko. Pahinga lang at iwas ma-stress. Salamat, Panginoon. Salamat din sa bakuna,” pasasalamat pa niya.
Hindi rin mapinpoint ni Kim kung saan niya nakuha ang virus, pero hindi niya ikinakaila na malaking tulong ang bakuna para hindi makakuha ng worse symptoms.
“Kaya kung meron kayo pagkakataon na magpabakuna, magpabakuna kayo,”
Inamin din ni Kim na noong una ay hindi pa siya convinced na magpabakuna.
“Isang araw na-realize ko na gusto ko na magpabakuna, then kami ng family ko nagpabakuna na. Inisip ko, kesa naman ako ang mahirapan, pati mga mahal ko sa buhay pag tinamaan kami ng COVID,” she wrote.
“Makakatulong ang bakuna para mabawasan ang severity ng COVID. Buti namlang at fully vaccinated na ako at ang pamilya ko.”
Dahil sa kaganapang ito, kinakailangan mag-backout ni Kim sa kanyang supposed TV comeback. Ang Nagbabagang Luha star na si Myrtle Sarrosa ang hahalili sa papel na originally ay kanya.
Magpagaling ka, Kim! Kahit na nawala sa’yo ang ‘Love. Die. Repeat’, siguradong may mas malaki pang proyekto na nakalaan para sa’yo.