Dear Atty. Acosta,
MAYROON PO akong kinakaharap na kaso ngayon sa tanggapan ng piskalya sa Malolos, Bulacan. Ito po ay sa kasong Adultery. Sinampahan ako ng kaso ng mister ko sa kadahilanang nabalitaan niya na mayroon akong kinakasamang lalaki habang siya ay nasa ibang bansa at nagtatrabaho bilang isang seaman. Ngunit wala po itong katotohanan. Marami lang po talagang malilikot ang isip dito sa aming lugar na walang magawa kung hindi ang manira ng pamilya. Ano po ang dapat kong gawin? Maaari po ba akong tulungan ng inyong tanggapan?
Belinda
Dear Belinda,
HINDI MAIIWASAN na magkaroon tayo ng kapitbahay o ka-barangay na magkakalat ng maling balita na siyang magiging sanhi ng problema sa loob ng pamilya. Mahalaga na lamang na panatiliin ang ating tiwala sa ating asawa at mga kaanak upang manatiling buo at matatag ang pagsasama.
Ayon sa iyong sulat, inihain na ng iyong asawa ang reklamong adultery sa tanggapan ng piskalya sa Malolos, Bulacan. Ang pinakamainam mong gawin ay ang harapin ang nasabing kaso at pabulaanan ito sapagkat, katulad ng iyong nabanggit, ito naman ay walang katotohanan. Maaari kang mangalap ng ebidensyang magtataguyod ng iyong depensa at maaari ka ring kumuha ng sinumpaang salaysay ng iyong testigo. Para sa iyong kaalaman, nagkakaroon ng kasong adultery kung ang isang babaeng mayroon nang asawa ay nagkaroon o mayroong sekswal na relasyon sa ibang lalaki na hindi niya asawa, at alam ng lalaking ito na siya ay legal na kasal na. (Article 333, Revised Penal Code)
Marahil ay makabubuti rin na kausapin mo ang iyong mister at paliwanagan siya upang matapos na ninyo ang inyong problema. Kung kayo ay magkakaayos ay maaari mong hilingin sa kanya na iatras na ang demanda at magsimula kayong muli.
Kung kailangan mo ng legal na representasyon kaugnay ng kasong isinampa sa iyo ng iyong asawa, maaari kang sumangguni sa aming PAO District Office sa Malolos, Bulacan kung saan nakahain ang iyong kaso. Ang aming opisina ay matatagpuan sa Bulwagan ng Katarungan o Hall of Justice ng Malolos, Bulacan. Mayroong nakatalagang mga abogado roon na maaaring tumugon sa iyong legal na problema. Mangyari lamang po na magdala kayo ng Certificate of Indigency mula sa inyong Barangay o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakakasakop sa lugar kung saan ka nakatira. Kung ikaw naman ay mayroong trabaho, dalhin mo ang iyong pay slip para patunayan na mahirap ka lamang at kasama ang mga dokumentong makatutulong sa iyong alegasyon at depensa.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta