Kinasuhan ng Asawang Binugbog

Dear Atty. Acosta,

 

AKO PO ay kinasuhan ng aking asawa ng VAWC dahil nabugbog ko siya. Hindi ko naman sinasadya na saktan siya dahil mahal na mahal ko siya. Nagkataon lang na lasing ako noong nangyari ang insidente at hindi ko namalayan na sinaktan ko na siya. Ang kapatid ng misis ko ang nagsampa ng kaso at hindi mismo ang asawa ko. Mapapawalang-sala kaya ako sa kasong isinampa laban sa akin? Sino po ba ang maaari kong lapitan upang makatulong sa akin?

 

Allan

 

 

Dear Allan,

 

ANG VAWC o violence against women and children ay isang krimen na pinarurusahan sa ilalim ng R.A. 9262 na pinamagatang “An Act Defining Violence Against Women and their Children, Providing for Protective Measures for Victims, Prescribing Penalties Therefor, and for other purpose.” Sa inyong salaysay, ang krimeng ito ang sinasabi na linabag ninyo dahil sa pananakit sa iyong misis. Ang pananakit sa iyong misis ay pinarurusahan sa ilalaim ng Section 5 (a) ng batas na nagsasaad na:

“Acts of Violence Against Women and Their Children.- The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts:

  1. Causing physical harm to the woman or her child; Xxx”

Hindi ninyo maaaring maging depensa sa inyong kaso na hindi ninyo sinasadya ang  ginawang pananakit sa misis ninyo dahil sa kalasingan. Ito ay sa kadahilanang ang naturang depensa ay isa sa mga prohibited defenses sa ilalim ng Section 27 ng R.A. 9262, na nagsasaad na “Being under the influence of alcohol, any illicit drug, or any other mind-altering substance shall not be a defense under this Act”

Sa kabilang dako, hindi mababasura ang inyong kaso kahit pa kapatid ng misis ninyo ang nagsampa ng reklamo at hindi ang misis ninyo mismo dahil ang paglabag sa R.A. 9262 ay itinuturing na isang public crime. Ibig sabihin nito ay uusad ang imbestigasyon sa Office of the Provincial/City Prosecutor at pagdinig sa korte kahit hindi ang biktima ang nagsampa ng reklamo. Ngunit kinakailangan na ang taong nagreklamo ay may personal na kaalaman sa nangyaring krimen.

Maaari kayong lumapit sa Public Attorney’s Office (PAO) na matatagpuan sa distrito ninyo para magpatulong sa kasong kinakaharap ninyo. Mangyari lang na magdala kayo ng ceritificate of indigency mula sa barangay o sa DSWD o Income Tax Return o pay slip, kung kayo ay nagtatrabaho, upang patunayan na wala kayong kakayahan upang makapagbayad ng pribadong abogado.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleButch Francisco, dumipensa sa ‘walang latoy’ na interbyu kay Deniece Cornejo
Next articleDavid Bunevacz, tetestigo para kay Vhong Navarro

No posts to display