Dear Atty. Acosta,
NAHATULAN ANG pamangkin ko ng Homicide sa trial court kahit na ang isa sa mga kasamahan niya ang sumaksak at nakapatay sa biktima. Hindi po ba Physical Injuries lang ang kaso niya sapagkat sinuntok lang niya ang biktima?
Flor
Dear Flor,
HINDI NAMIN lubos na masasagot ang iyong katanungan sa kadahilanang limitado lang ang pangyayaring binanggit mo sa iyong salaysay. Ngunit base rito, maaaring ang iyong pamangkin ay isa sa mga akusado sa pagpatay. Marahil ang naging partisipasyon lang niya ay pambubugbog sa biktima ngunit hinatulan siya ng pagpatay na siya ring hatol sa kasamahan niyang akusado. Ang maaaring naging basehan ng korte sa kanyang desisyon ay ang pagkakaroon ng conspiracy o sabwatan sa pagitan ng mga akusado. Mayroong conspiracy kapag the acts of the defendant aimed at the same object, one performing one part and another performing another part so as to complete it, with a view to the attainment of the same object, and their acts, though apparently independent were in fact concerted and cooperative, indicating closeness of personal association, concerted action and concurrence of sentiments, the court will be justified in concluding that said defendants were engaged in a conspiracy (People of the Philippines v. Jose Geronimo and Romeo Geronimo, G.R. No. L-35700 October 15, 1973)
Kapag may conspiracy, ang kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat. Sa gayon, ang parusang ipapataw sa isa ay siya ring parusang ipapataw sa iba pang akusado. Sa kaso ng iyong pamangkin, hindi kinakailangan na ang biktima ay sinaksak ng lahat ng akusado na sanhi ng kanyang kamatayan para managot sila sa salang pagpatay. Sapat na kung mapatutunayan na merong pagkakaisa sila sa ikinilos tungo sa isang mithiin para masabing may conspiracy o sabwatan sa pagitan nila.
Sa pangkalahatan, makabubuti pa rin kung sasangguni kayo sa abogado na humawak sa kaso ng iyong pamangkin upang malinawagan kayo sa naging desisyon ng korte. Bagama’t may desisyon na ang korte sa kaso, maaari pa ring mapawalang-sala siya sa pamamagitan ng paghahain ng isang apela sa Court of Appeals sa loob ng labing limang araw mula sa pagpataw ng hatol (Section 6, Rule 122, Revised Rules of Court).
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madaragdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta