BAGO ANG lahat, nais kong saluduhan sina Manila Fiscal Hospicio Guevarra at Manila City Prosecutor Edward Togonon dahil sa kanilang paninindigan at hindi nila ginatungan ang kapritso ng mag-asawang saksakan ng pagkaabusado – si Anita Tubera, Public Relations Officer ni Manila Vice-Mayor Isko Moreno at ang mister nitong si PO3 Gerardo Tubera.
NOONG NAKARAANG Miyerkules, May 22, isinakay ng taxi driver na si Reynaldo Alarcon mula sa pila ng SM San Lazaro si Anita Tubera. Sa pagsakay pa lamang ni Tubera, napansin na kaagad ni Reynaldo na mainit ang ulo nito dahil may nakaalitan umano sa pila.
Hiniling ni Tubera kay Reynaldo na ihatid siya sa isang five star hotel sa Maynila. Pagkalipas ng ilang minuto sumiklab sa galit si Tubera dahil hindi niya gusto ang ruta na ginamit ni Reynaldo. Nangatuwiran si Reynaldo pero hindi ito tinanggap ni Tubera bagkus pinagmumura niya umano ito.
Sa puntong iyon, sinabi ni Reynaldo kay Tubera na kapag hindi siya tumigil sa kabubunganga, mabuti pang bumaba na lamang siya sa taxi na siya namang lalong ikinangitngit sa galit ni Tubera.
Pagdating ng nasabing hotel, ipinaaresto ni Tubera si Reynaldo sa mga security guard. Pinigilan ng mga security guard si Reynaldo na makaalis hanggang sa dumating ang dalawang pulis na siyang nagkaladkad kay Reynaldo patungo sa pinakamalapit na police community precint (PCP). Dumating din ang asawa ni Tubera.
Pagdating ng PCP, nagtawag ng MMDA traffic enforcer ang mga pulis at pinatiketan si Reynaldo ng sangkaterbang suntok sa buwan na mga violation tulad ng “refuse to convey passenger”, “arrogance”, “discourtesy”, at “driving in slippers”, – kahit na nakasapatos si Reynaldo. Pagkatapos noon, dinala naman siya sa Station 5.
SA STATION 5, hiniling ni Inspector Rommel Purisima kay Reynaldo na humingi ng patawad kay Anita Tubera para magkaayusan na lang. Ganoon na nga ang ginawa ni Reynaldo. Pero hindi tinanggap ang kanyang todo-todong paghingi ng patawad.
Sa halip, tumawag umano ang isang nagpakilalang abogado ng mga Tubera sa Station 5. Pagkatapos ng nasabing tawag, sinabihan si Reynaldo ng imbestigador na si PO3 Ferdinand Leba na mabigat ang nakabanggaan niya dahil ito ay empleyado sa tanggapan ng vice-mayor ng Manila City Hall.
Ipinasok sa kalaboso si Reynaldo bandang alas-siyete ng gabi noong araw ring iyon. Kinabukasan, 3:30 pm, dinala sa fiscal’s office si Reynaldo para ipa-inquest sa kasong “refuse to convey passenger” at “grave threat”.
Ibinasura ng inquest fiscal na si Guevarra at City Prosecutor na si Togonon ang kaso. Gayun pa man, ibinalik pa rin ng mga pulis si Reynaldo sa kalaboso at natulog pa ito roon ng isa pang gabi. Biyernes ng 11:30 am nang mapakawalan si Reynaldo. Pero bago siya tuluyang mapakawalan, hiningan ng isang PO2 Jess Delos Santos ang sumusundong misis ni Reynaldo ng P200.00 para raw sa “releasing fee”.
TINAWAGAN KO si Manila Police District Deputy Director Col. Ronald Estilles kahapon sa programa kong Wanted Sa Radyo. Inamin ni Estilles na mali ang ginawa ng mga pulis at hindi dapat nila ikinulong si Reynaldo. Idinagdag pa ni Estilles na puwedeng kasuhan ng grave misconduct ang mga pulis.
Kinausap ko rin si Assistant General Manager Atty. Emerson Carlos ng MMDA. Sumang-ayon din si Carlos na hindi dapat ikinulong si Reynaldo dahil sa nasabing mga violation. Sinabi rin ni Carlos na hindi puwedeng matiketan ng refuse to convey passenger si Reynaldo dahil isinakay naman niya si Tubera at hinatid pa nga ito sa kanyang patutunguhan. Nangako si Carlos na ibabasura niya ang traffic violation receipt ni Reynaldo.
Shooting Range
Raffy Tulfo