King of smugglers at sugal sa Calabarzon

PUSPUSAN ANG GINAGAWANG paglilinis nina Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biason at ng kanyang deputy for intelligence na si Ret. Gen. Danilo Lim. Kumbaga, halibas kaliwa-kanan.

Pati hao-siao na media ay tinamaan! ‘Ika nga, “no let-up drive.”

Para matigil na umano ang mga kabalbalan sa kanilang departamento. At malipol ang mga ismagler!

Naks, ha?! Akala nga natin noong una ay tunay! Pero noong nakaraang linggo ay nasakote ng mga pulis sa parteng Valenzuela City ang sandamakmak na mga epektos galing sa Tsina. Kinabibilangan ito, parekoy, ng mga “imitation” na relo, laptop, bag, iPad at kung anik-anik pa! Doon natin nadiskubre na isang nagngangalang Jeffrey King ang may-ari ng nasabing mga parating!

Hah, magugulat ka, parekoy, dahil kahit nasa Tsina ng mga sandaling ‘yun si King ay agad nitong natrabaho para ma-release ang nasabing mga epektos! Alam n’yo kung paano? Heto…

Isang major sa Navotas ang biglang sumulpot sa opisina ng opisyal na nakahuli. Ito ang litanya ng mokong… “Sana, sir, maayos natin ito, dahil kung mabibigo ako ngayon, asahan mo na po na tatawag sa iyo si Gen. Laurel.”

Naku, ha?! Nag-namedrop pa si major… sandali, parekoy, maya-maya nga ay may tumawag na heneral! Huhuhu!

Ayon sa magiting na heneral, kasalukuyan na umanong inaayos ng mga bata niya sa tanggapan ni Gen. Lim ang mga dokumento ng nasabing mga kontrabando!

Ha? Ano? Alam kaya ni Gen. Lim na habang siya ay naglilinis sa BOC ay may mga tauhan pala siya na dumudumi? Hak, hak, hak!

General Lim, sir, sa darating na linggo ay may malakihang parating pa raw si Jeffrey King! At doon inaayos ang usapan sa loob ng President restaurant sa Ongpin na pag-aari ng hari! Bwar, har, har!

Gusto mo bang malaman, Gen. Lim, kung saan iniimbak ang mga ito at saan idinidispatsa? He, he, he, kontakin mo ako!

Noong Oktubre 26 nga may isa ring ismagler na may inilabas sa BOC na ilang container na mga sibuyas!

NABILI NA NI Dan de Belen ang “patong” sa lahat ng iligal sa Region 4-A. Ito parekoy ang mga lugar ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, o kilala sa tawag na Calabarzon.

Ayon sa ating tawiwit, isang opisyal (Peralta?) na nagpapakilalang “bagman” ni Gen. Gil Meneses ang nagsagawa ng “bidding”. Parang legal na government project. Ehek! At ang may pinakamalaking offer nga ay itong si Dan de Belen!

Aba eh, ilang dekada na nga ba si de Belen sa ganitong gawain? Op kurs, alam na niya ang kabuuang halaga ng collection. Kaya naman, sa “good-will money” pa lang ay nag-abot na agad ito ng 2 milyong piso!

Pero mula sa malalaking gambling lord, kasama na ang Pangasinan boys na kanyang pinapasok sa Lipa City ay piniga ni de Belen. At hindi rin nakaligtas maging ang mga sugal-lupa!

Alam kaya ito ni PNP Director General Nicanor Bartolome?

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleGanda ng Hair!
Next articleHaplos sa kaluluwa

No posts to display