PATULOY ANG pagdagsa ng mga tao na gustong makiramay sa pamilyang naiwan ni Mang Dolphy at sunud-sunod din ang mga para-ngal at pagpupugay na ibinibigay sa kanya.
Naku! Sa bahay na lang muna ako nanonood sa TV dahil sinusunod ko talaga ang payo ng doktor du’n sa Germany na ipahinga ko pa muna talaga ito pagkatapos kong magpa-stem cell.
In two weeks daw, makikita at mararamdaman ko na ang epekto ng stem cell kaya siyempre sunud-sunuran ako sa doktor na dapat magpahinga muna. Kaya hindi talaga ako lumabas muna.
Bukas pagkatapos ng Startalk na ako pupunta ng burol.
Nu’ng kamakalawa lang ay nagpasa pala ang alaga kong si Alfred Vargas ng Resolution Honoring the King of Comedy Rodolfo “Dolphy” Quizon for His Achievements and Invaluable Contribution to the City of Stars, Quezon City, and the Rest of the Country.
Isinumite niya ito sa Quezon City Council para ma-resolve na ito.
Sabi nga ni Alfred, “Sa tingin ko, deserving talaga si Pidol na ma-recognize ng buong city at malagay sa talata ng konseho ‘yung lahat ng nagawa niya. Lalo na ‘yung napa-karaming mga artistang na-influence niya, lalo na ako baguhan pa lang ako, na-inspire niya ako to do better sa ginagawa ko at para maging professional sa lahat na aspeto ng trabaho.”
Nasa Guam pa kasi ang halos lahat na mga konsehal ng QC kaya walang session nu’ng araw na ‘yun.
Tiyak namang maipapasa na itong resolution at meron din silang pinaghahandaang parangal para kay Dolphy.
Siyempre si Herbert Bautista ang Mayor ng QC na malaki ang paggalang at pagpapahalaga kay Mang Dolphy.
Ang alam ko, meron ding pinaghahandaang special ang GMA-7 para sa Comedy King kaya magtatagal pa itong Dolphy fever sa bansa na ipinagluksa nating lahat.
Nakatakdang ilibing si Mang Dolphy sa Linggo sa Heritage Memorial Park.
ANG TRIBUTE at update sa burol ni Mang Dolphy ang isa sa aabangan n’yo sa Startalk bukas.
May live coverage doon si Ricky Lo at sisikapin nitong maka-panayam si Zsa Zsa Padilla, Eric Quizon at ilang mga kaanak at malalapit na tao sa Comedy King.
Bukod kay Mang Dolphy, may kuwento rin kami siyempre sa pag-rampa ng mga nagseseksihang Kapuso stars sa victory party ng FHM.
Sa top ten sexiest Women ng FHM, walo du’n ang taga-GMA-7, kaya todo ang coverage namin dito na ginanap sa World Trade Center kagabi.
Si Sam Pinto ang nanguna sa Sexiest Pinay at medyo naiirita ito sa mga intrigang hinarap niya. Hindi raw totoong gumastos siya para lang makakuha ng maraming boto at mag-number one ito.
May mga sponsors siya gaya ng San Miguel na tumulong para marami ang bumoto sa kanya at maging number one. Pero hindi raw siya gumastos para lang marami siyang maengganyong bumoto.
Meron pang nagkukumentong bakit hindi raw muna magbida ito o karirin ang akting bago niya pagtuunan nang pansin ang mag-number one sa FHM.
Medyo nairitang sagot ni Sam, “I think it’s the two different thing, Acting is acting, being sexy is being sexy. That’s it! I’ve been in the business for two years, I can’t be a veteran for two years. I know I have a long way to go pa.”
Abangan n’yo na lang sa Startalk kung sino ang mga nagagandahan at nagseseksihang stars na rarampa sa FHM victory party.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis