MATAPOS ANG matagumpay na “Million People March” na ginanap sa Luneta noong nakaraang Linggo, isang malawakang pagkilos laban sa pork barrel ang inihahanda na naman ng taong-bayan. Sa pagkakataong ito, gaganapin sa makasaysayang EDSA ang susunod na protesta laban sa katiwalian na binansagang “Edsa Tayo”.
Sa mga nagdaang protesta, makikita ang malawakang partisipasyon ng “government health workers”. Sila ang mga doktor, nurse, at iba pa pang empleyado ng ating mga pampublikong ospital. Kitang-kita ang galit sa kanilang mga mukha at placards. Hindi naman natin sila masisisi kung bakit ganito na lamang ang kanilang pagkamuhi sa isyu ng pork barrel.
Ang mga government health worker natin ang nakasasaksi sa direktang epekto ng katiwalian sa paggamit ng pondo ng gobyerno. Mapait ang kanilang karanasan. Sila ang nakakikita sa mga pasyenteng namamatay na lang na nakaupo sa sahig ng mga pampublikong ospital dahil hindi agad nasalinan ng dugo. Huli nang darating ang mga kamag-anak ng pasyente na naghanap pa ng mauutangan at malalaman nila ang malupit na katotohanan na hindi na sila umabot. May mga pagkakataon naman na namamatay ang mga pasyente dahil walang pambayad sa operasyon. Walang pambili ng gamot.
Ang pera na dapat nakalaan para tumulong sa mga pasyenteng ito, na nanggaling sa buwis ng taong-bayan, napunta lang pala sa magagarang sasakyan, sa napakaraming bahay, sa pakikipagsosyalan at pakikihalubilo sa mga artista. Habang may mga batang namamatay dahil hindi nakakuha ng kaukulang bakuna, meron palang mga kawatan na literal na naliligo sa pera.
Ayon sa National Health Insurance Act of 2013, ang pangunahing layunin ng pamahalaan ay magkaroon ng programang sisiguro na mabibigyan ng pagkalingang-pangkalusugan ang mga mamamayan at libreng pagpapagamot sa mga mahihirap. Batay sa nasabing batas, mas bibigyan ng prayoridad sa pagpapagamot ang mga higit na nangangailangan, lalo na ang mga matatanda at mga may kapansanan. Napakaganda man ng mga layunin ng batas na ito, mananatili lang itong isang papel na gawa sa laway kung hindi masusugpo ang katiwalian sa gobyerno.
Sa isang naunang panayam, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Teodoro Herbosa na ang pagpapatayo ng isang makabagong ospital, ‘yung maihahambing sa St. Luke’s Global Center sa Taguig, ay aabutin ng Sampung Bilyong Piso. Ito rin ang halagang sinasabing ninakaw sa kaban ng bayan ng mga sindikato sa pork barrel. Kung naging matuwid lang pala ang paghawak sa nasabing pondo, maaari nang magkaroon ng isang makabagong ospital na mapakikinabangan ng mga mahihirap at maysakit.
Sa ngayon, ang isang makabagong ospital na tutugon sa pangangailangan ng mahihirap ay mananatili na lang isang pangarap. Isang panaginip. Dahil magigising tayong lahat sa isang bangungot na ang pondo para sa pagsasalin ng dugo ay napunta sa pambili ng mga Porsche. Ang ang pera na nakalaan sa libreng gamot ay ginamit lang sa mamahaling bag at sapatos. Ang nakulektang buwis ng mga tao na dapat gagamitin sana sa libreng bakuna ng mga sanggol, napunta lang kay Justin Bieber.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac