SA PAGKAKATAONG ito ay dapat maging mapanuri tayo sa mga sasabihin ng mga kumakandidatong pulitiko sa ating bayan. Lumang tugtugin na kasi ang mga pangakong magpapagawa ng mga kalsada, basketball court, state college, pabahay sa mga mahihirap, matataas na sahod ng manggagawa, pagbibigay ng karapatan sa mga kababaihan, pagtulong sa mga marginalized na komunidad, pagbibigay ng tulong para sa pagpapagamot, libreng ospital sa mahihirap, at pagsolusyon sa kagutuman at kahirapan. Hindi na mauubos ang mga pangakong ito dahil paulit-ulit itong ipinapangako.
Paulit-ulit ang mga pangako nila dahil hindi naman ito nagagawa pagkatapos ng eleksyon. Pangakong napapako, ‘ika nga. At nagpapauto naman ang marami sa atin dahil sa mga pagbubulag-bulagan dala ng perang pambili ng kanilang mga boto. Tayo ring lahat ang nagagantso kapag nakaupo na ang mga sinungaling na pulitikong ito. Sinungaling ang mga pulitikong nangangako lang dahil wala silang maipakitang kongkretong plataporma.
Ang kongretong plataporma dapat ang ating babantayan. Ito ang pagpapaliwanag kung ano ang problemang kanilang bibigyang solusyon at kung paano nila isasagawa ang solusyon. Hindi puwedeng sabihin lang nila na susugpuin nila ang kahirapan. Dapat ipaliwanag nila kung ano ang paraan ng pagsugpo at paano ito gagawin. Hindi puwedeng magpapagawa na lang ng kalsada at laway lang ang puhunan nila. Dapat ipakita nila kung saan, anong gamit, bakit kailangan, at anong pondo ang pagkukunan. Ang sakit ng maraming pulitiko sa atin ay iniisip nilang Diyos sila na may kapangyarihang basta kaya nilang gawin ang ipinangako nang walang basehan at paliwanag.
ANG ISANG magandang halimbawa na dapat maging bahagi ng kanilang plataporma ay ang kongkretong pagtukoy sa isang problema at pagpapaliwanag kung paano ito hahanapan ng solusyon. Halimabawa ay ang problema sa mga sakuna sa kalsada na kinasasangkutan ng mga pampublikong sasakyan. Ang isang matalinong pagtingin dito ay hindi lang dapat isisi sa mga drivers nito ang sakuna. Maaari nilang lawakan ang perspektibo kung bakit nangyayari at saan ito nagmumula? Ang isang salik o “factor” na malaki ang ambag sa mga aksidente ng mga jeep, taxi, at bus ay maaaring ang pinanggagalingan ng motibasyon ng mga pampublikong drivers para mapabilis ang biyahe at makarami ng biyahe.
Ang pinanggagalingan ng motibasyon na aking tinutukoy ay ang kagipitan nila sa kita. Sila ay gipit sa kita dahil sa napakalaki ang boundary na hinihingi sa kanila ng mga masisibang public transportation operators na ito. Ang resulta nito ay ang pagdiskarte ng mga drivers sa kalsada para mahabol ang kitang kailangan nila para sa araw na iyon. Ang iba naman ay panay ang overtime at sinasagad ang katawan sa pagod para mahabol lamang ang kailangan pera sa kanilang pang-araw-araw na pasada.
Ang iba ay gumagamit pa ng droga para manatiling gising ang kanilang kamalayan at hindi maramdaman ang pagod. Ang resulta ng mga ganitong sistema ay aksidente na nauuwi sa maraming pagkasawi ng mga pasahero o mismong mga drivers.
MALINAW NA mayroong “unfair labor practice” dito. Maaaring sa mga regulasyon o patakaran ng mga kumpanya ng malalaking taxi at bus operators ito dapat isisi. Dapat ay busisiin ito ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Dapat din ay gumawa ng batas na maglalagay ng mga pamantayan kung gaano lamang dapat ang halaga na ibabayad ng mga drivers sa kanilang operators. Hindi dapat ito nakasasakal sa drivers at reasonable ang halaga.
Nitong taon lamang ay pinag-usapan ang panukalang dapat ay maging regular ang suweldo ng mga drivers katulad ng mga pangkaraniwang manggagawa mula sa publiko at pribadong sektor. Maganda ang panukalang ito dahil maaaring maging solusyon ito sa pinag-usapan nating pinanggagalingang motibasyon ng mga drivers na nauuwi sa aksidente.
Sa pamamagitan ng pagsasabatas na gawing regular na ang kanilang mga kita, hindi na sila maghahabol sa dapat nilang kitain. Bukod dito ay magiging propesyonal na ang mga drivers bilang regular na manggagawa. Sa ibang bansa ay napaka-“professional” ng tingin sa mga drivers. Nakapag-aral sila at ikinararangal na trabaho ang pagiging isang “public transport driver”.
SA IBANG bansa rin ay kadalasang gobyerno ang nagpapatakbo ng mga pampublikong transportasyon. Mas maigi kasing nababantayan ng pamahalaan ang pagmentina at pagkuha ng mga manggagawa rito. Mas nare-“regulate” ang transportation system sa ganitong paraan. Kaya maaaring ipanukala sa plataporma ng isang kandidato ang paglilipat ng kontrol sa pamahalaan ng mga public transportation akma sa mga dahilang katanggap-tanggap para sa nakararami. Maari sigurong pag-isipan ngb mga kandidatong may kongretong plataporma ang ideyang ito. Makababawas din ng malaki sa polusyon sa hangin kung gagamit ng mga “hybrid” buses o de kuryenteng sasakyan ang gobyerno kung sakaling sila ang magpapatakbo ng mga public transportation sa bansa.
Dapat lang ay maging efficient at effective ang pamahalaan sa proyektong ito. Ang mga government agencies kasi noon ay ipinagbili sa pribadong sektor, dahil hindi maayos na napatatakbo ng pamahalaan ang mga ito. Halos lahat ay na “privatized” lalo sa sa panahon si dating Pangulong Ramos.
KUNG NAIS gumawa ng bagong mahahalal na pangulo ng isang pagbabago at legacy sa kanyang termino ay maaari niyang simulan sa pamamagitan ng paglutas sa problemang ito ng transportasyon at ng mga manggagawang drivers. Maaaring panahon na rin para sawatain ang mga mapang-abusong bus at taxi operators. Ganito ang kongretong plataporma. Sana ay ganito ang mga marinig natin sa kanilang mga meeting de avance at debate.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo