Kopyahan sa Pulisya

SA ISANG panayam ay kinumpirma ng National Police Commission (NAPOLCOM) Executive Officer na si Eduardo Escueta ang naganap na pandaraya o kopyahan ng mga pulis na kumuha ng promotional exam nitong nakaraang Abril. Aabot umano sa halos 200 pulis ang sasampahan ng kasong administratibo dahil sa pagkakasangkot dito.

Ang promotional exam at entrance exam sa pagpupulis ay ginagawa tuwing buwan ng Abril at Oktubre. Matagal na raw na problema ang pandaraya sa mga ganitong eksaminasyon. Ngunit ayon kay Escueta, bumaba na ang bilang ng insidente ngayong taon kumpara noong 2009 at 2010. Naging epektibo raw ang kanilang kampanya laban dito.

ANONG URI ba ng exam ang ibinigay sa mga madadaya at bopols na pulis na ‘to?

Ang exam na binibigay ng NAPOLCOM sa mga pulis at gustong mag-pulis ay isang uri ng multiple choice kung saan may limang pagpipilian. May tatlong set ang exam para hindi magkatulad ang test questionnaire ng magkatabing examinee. Mayroong 150 tanong na pinili ang computer mula sa halos 4000 pool of questions.

Mukhang madaling mandaya dito dahil pipiliin lang ang mga letter ng tamang sagot. Basta’t may nakahandang listahan ng sagot ay ayos na. Ngunit, madali ring malaman kung may nagkopyahan dahil sa “wrong answer pattern” na tinatawag. Dahil sa lima ang pagpipilian at isa lang ang tama rito, imposible na magkakapareho ang mga maling sagot mula sa apat na natira. “Statistically improbable” ang tawag dito.

 

BAKIT SILA nandadaya at kanino galing ang sistema ng dayaan?

Ang malaking bilang ng mga nandadaya ayon Escueta ay nanggagaling sa Mindanao o ARMM. Ito umano ay kultura sa probinsya kung saan ang mga pulis ay pumapadrino sa mga pulitiko. Ginagawang personal na bodyguard o private army ng mga warlord na pulitiko ang mga pulis. Ang mga pulitiko ang gumagawa ng paraan upang maitaas ang ranggo o makapagpapasok ng pulis. Dito nila nakukuha ang loyalty ng mga pulis.

Maaaring sa cellphone idinadaan ang pandaraya at pangunguntyaba sa bantay habang nangyayari ang pagsusulit. Sa isang spot check umano nahuli ang dayaan gamit ang cellphone ng examinee. Nakita ng isang opisyal na nag-spot check ang cellphone na may listahan ng mga sagot o litrato ng exam questionnaire na may sagot na.

Ang 3 in 1 police recruitment system ay talamak din sa Mindanao. Ito ay ang paglalagay ng pulitiko ng kanyang 2 tauhang pulis sa bawat 100 mare-recruit na bagong pulis.

 

SA ITINUTULAK ng NAPOLCOM at ni Secretary Mar Roxas na transformation program sa AFP at PNP, babaguhin na ang lumang sistema na ang mga nahuling nandaya ay hindi makakakuha ng exam sa loob ng tatlong taon. Sa bagong sistema, panghabangbuhay nang diskuwalipikado ang sino mang mandaya at hindi na rin sila mabibigyan ng pagkakataong magtrabo sa gobyerno kahit kailan.

Dapat naman talagang magkaroon ng transpormasyon sa ating mga sundalo at kapulisan. Sa ibang bansa, bukod sa respetado ang mga pulis, matatalino rin sila at matataas ang kanilang IQ. Dapat ay iangat ang kalidad ng pagsasala ng mga estudyanteng kukuha ng pagpupulis tulad ng sa PMA.

Ang sabi ng Philosopher na si Socrates, ang paggawa ng tama ay nanggagaling sa matalinong pag-iisip at ang pagiging ignorante ay isang masamang bisyo. Winika niyang “Ignorance is the only evil.”

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 6 Issue 96 July 29 – 30, 2013
Next articleDating Beauty Titlist, pinagbabawalang magsalita sa harap ng media

No posts to display