MAY BAGONG weekly program sa telebisyon si Korina Sanchez na pinamagatang Korina Interviews pero hindi ito sa AllTV ipapalabas kundi sa Net25.
“Yes I also have offers from others (network). There’s no exclusivity that is required of us. Ang napapansin ko, ang broadcast landscape ay ibang-iba na at alam n’yo lahat yan.
“Kung nakasabayan ko kayo 30 years ago ibang-iba yung simula namin noon sa panahon ngayon. Kasi ngayon, nakikita ka na kahit saan,” pahayag ni Korina sa amin at sa ibang showbiz friends na dumalo sa mediacon ng Net25.
“Ang kakumpetensya mo ngayon ay hindi naman major networks or mainstream platforms kundi pati social media. At kapag sinabi mong social media ang daming umuusbong na mga bago at lahat yan gusto naming pasukin lalo na yung may energy na oras para gumawa ng content,” giit ni Korina.
Sa tagal na sa broadcasting industry ni Korina ay marami pa rin pala siyang dream na ma-interview.
“Marami akong gustong makapanayam depende na rin kasi some are contract stars of the other networks and some are very exclusive and very strict, so, there is a limitation and kakumpetensiya mo rin yung ibang personalities who’s having own platforms.
“Anuman ang mga rebeleasyon nila ay doon lang nila ipapakita, so that is a limitation but I’m a big believer that every person has a story to tell na hindi pa ninyo nalalaman,” saad ng misis ni Mar Roxas.
With regards naman to her bashers, ayon kay Korina, pinapatulan daw talaga niya ang mga ito pero pinipili niya naman kung sino ang kapatul-patol.
“Uy, hindi lahat pinapatulan ko, ha,” natatawa niyang pahayag. “First of all, pinipili ko yung isyu na papatulan ko. Pero pag dinikitan mo na yung isyu na yan hindi kita uurungan.
“Kasi may mga bagay na alam mo yung walang kakuwenta-kuwenta, na gusto lang talagang may pagka-nega ng isang tao sa itsura mo or damit mo, na ang pangit mo or whatever kung anuman yung gusto nilang sabihin.
“Kadalasan sa hindi, at natutuwa naman ako na padalang na sila nang padalang sa pages ko mula noon sinabi ko na kausap ko na si Sen. Ping Lacson tungkol sa mga trolls at hahabulin namin silang lahat parang medyo tumigil na sila. Pero pagdating sa mga bagay na pinaniniwalaan ko, eh, magkasawaan tayo ng sagutan,” saad pa ng beteranang broadcaster.
“Kung minsan kasi, di ba pag kausap mo ang bata kailangan ang tono mo ay parang bata din para maintindihan ng bata. Pag pumunta ka ng Amerika, medyo kailangang may-accent ang English mo para maintindihan ka nila. Pag kausap mo ay teenager hindi ka puwedeng parang matandang nanenermon. Sasabayan mo ngayon ang lenguwahe nila.
“Pagkausap mo namay ay dignitaryo, iba rin ang tono mo at lengguwahe mo. Pero alam mo, pag kausap mo ang mga walanghiya kailangan walanghiya ka rin,” matalas niyang pahayag.