JAMPACKED ANG ARANETA Coliseum last Sunday, May 2, sa concert ng British 80s duo na Tears for Fears. Teenager kami nu’ng kasikatan nina Curt Smith at Roland Orzabal, kaya hindi namin talaga pinalampas ang pagkakataong mapanood sila after more than 20 years of waiting. And it’s really worth the wait!
Halos hindi mo na marinig ang kinakanta ng dalawa sa tindi ng hiyawan, palakpakan, at pagsabay sa bawat kanta nila. Dumadagundong talaga ang buong Araneta. May isang pagkakataon nga na nagtakip na ng tenga si Orzabal sa lakas ng hiyawan ng mga tao.
Inumpisahan ng local band na Sandwich ang excitement ng mga tao. Matapos nilang kumanta ng isa nilang original song, puro New Wave music na ang inihataw nila na mas lalong nagpatindi sa pagkasabik ng mga tao na masilayan na ang TFF. Grabe rin ang hiyawan nang kantahin naman ni Ely Buendia at ng kanyang bandang Pupil ang ‘Alapaap’ – pero ‘yun lang ang exciting moment ng grupo. Boring na ang sumunod na mga original ng banda.
Isa lang ang nakasira sa kasiyahan that night – nang i-flash sa dalawang giant screen si Korina Sanchez na ginamit pa ang oportunidad para mag-flash ng ‘L’ sign. Dalawang beses na naipakita sa screen si Korina habang nag-aabang ang mga tao ng second set ng TFF. At talagang umani ng matinding ‘Boo!’ ang maybahay ng vice-presidential candidate na si Mar Roxas.
Medyo ‘bitin’ ang concert dahil hindi nakanta ng banda ang marami pa nilang kanta, pero para sa amin, it’s still one memorable night na sana ay maulit muli!
NAGKAUSAP NA PALA sina Regine Velasquez at direk Louie Ignacio. Humingi raw ng dispensa ang direktor sa Songbird dahil nadawit pa ito at naintriga nang mag-resign siya sa Party Pilipinas. Lumabas sa mga balita na isa sa dahilan ng pag-alis ni direk Louie sa Sunday musical variety show ng GMA-7 ay dahil may mga mainstays daw roon na ayaw mag-rehearse at unprofessional. Kumbaga, napikon na ang direktor. Naikabit naman agad ang pangalan ni Regine sa isyu.
Sa Twitter account ni Ogie Alcasid, agad din nitong ipinagtanggol ang girlfriend. Aniya, hindi raw mararating ng Songbird ang estado nito ngayon kung naging unprofessional ito. Unfair daw para kay Regine ang isyu. Wala rin daw kinalaman ang pagiging creative consultant ni Ogie sa Party Pilipinas sa pagre-resign ni direk Louie.
KINARAY NG FEMALE TV host ang komedyanang ito na dumalo sa screening ng isang international movie. Pero dahil wala siya sa guest list, hindi siya pinayagang makapasok ng takilyera. Nagkaroon na ng kaguluhan dahil nagpupumilit na makapasok ang komedyana. Wala ring magawa ang female TV host, kaya tinawagan niya na ang nag-organize ng event.
Paglabas ng organizer, nakita niya ang komedyana na medyo galit na. Sinabi niya na lang sa takilyera na papasukin na ang komedyana. Nang tanungin na ng organizer kung bakit hindi niya nakilala na artista rin ang kasama ng female TV host, sagot nito, “Ay, artista po pala ‘yon? Akala ko kasi P.A. lang niya, e!”
Bore Me
by Erik Borromeo