SA ISYU ng pag-impeached kay CJ Renato Corona, kakampi ako ni Pangulong Noynoy. Dapat lang. At ang nangyari ay ‘di magpapahina sa judiciary. Sa malalim na pananaw, nagpapalakas pa ito. Ang impeachment ay bahagi ng check at balance sa ating constitutional democracy.
Makabubuti rin ito kay Corona. Mabibigyan siya ng pagkakataong linawin ang mga seryosong akusasyong isinampa sa kanya. Mahirap na ang hidwaan ng dalawa ay palitan ng akusasyon sa media. Ang impeachment ay isang prosesong nakasaad sa ating Constitution.
Sa unang pagkakataon bumilib ako kay P-Noy. Decisive. Nagpapamalas ng political will para maalis ang malaking balakid sa kanyang anti-graft and corruption crusade. Sana lang ipamalas niya ang ganitong political will sa pagsusulong ng ating ekonomiya.
Sa wakas maisusuot na rin ng mga senador ang judicial robes na gagamitin sana sa impeachment ng dating Ombudsman Merceditas Gutierrez. Tama ang pakiusap ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa mga kapwa senador: Pag-aralang mabuti ang kaso. Wari ko, tinutukoy niya ang mga senador na ‘di hasa sa ganitong proseso. Sens. Revilla, Trillanes at Lapid?
Sa Enero 16, 2012 magsisimula ang pinakamakasaysayang tele-novela sa Senado. Standing Room Only ito at maaaring tumagal ng apat o anim na buwan. Ang impeachment ay nangangahulugang umaandar at buhay ang ating demokrasya. Tama na sa kadadaldal si SC spokesman Midas Marquez. Let the show begin. O sa salitang boxing: “Let’s rumble!”
SAMUT-SAMOT
NAPAKAMASALIMUOT ANG buhay. Maraming balakid at pagsubok sa pagpapakabuti. Si Satanas ay ‘di natutulog. Laging nasa kapaligiran upang ikaw ay tuksuhin at iligaw ng landas. Dapat mahigpit na kapit sa Diyos at tibay at lakas ng loob. Mapanlinlang si Satanas. Magdasal at mag-ingat.
HUMIHIYAW SA kapulahang namumukadkad ang limang paso ng poinsettias na nabili ko sa Greenmeadows kamakailan. May kamahalan subalit sulit sa ganda at nagpapagunita ng halimuyak ng Kapaskuhan. Ugat lang ang dinidilig at ‘di dapat masunog ng araw. Ang angking kagandahan ay mensahe ng kabaitan ng Diyos sa kanyang mga nilalang. Of course, maraming pagsubok at suliranin ang buhay. Lalo na ‘pag sumapit ka na ng katandaan. Dapat perseverance at complete faith sa Diyos.
ISA PANG kasong P367-milyong plunder ang isinampa ng PCSO laban kay GMA. Nabasa ko mismo ang ebidensiya. Open at close case ito. Kasama sa nakasuhan ay mga dating PCSO board sa pangunguna ng dating PCSO Chair Manoling Morato at Joe Taruc, Jr. Non-bailable. Tsk. Tsk. Tsk.
SA WAKAS, matitiklo rin si Morato. Marami na siyang kasalanan sa bayan. Ang mga kasalanang ito ay lumabas sa sunud-sunod na Congressional hearing sa PCSO anomaly. Hanggang ngayon, tinik pa sa lalamunan ni PCSO Chair Margie Juico si Morato. Sa hindi malamang dahilan, nahambalos ng paninira ni Morato ang PCSO. Talagang may karma. At ang Diyos ay hindi natutulog. ‘Pag napatunayan ang plunder case sa kanya, maaaring habang-buhay maghimas ng rehas si Morato. Ganyan ang gulong ng kapalaran. Kung anong itinanim siyang aanihin.
SANG-AYON AKO sa house arrest ni dating Comelec Chair Ben Abalos. At 77, matanda na at very sickly. Kahapis-hapis ang kapalarang ito. Ang siste, marami pang non-bailable cases ang hinaharap ni Abalos. Crime does not pay.
SA RECENT Pulse Asia rating, pinakakulelat si CJ Corona. Topnotcher si VP Binay at sumunod si P-Noy. Bago isagawa ang impeachment moves, balitang nagpa-survey muna si P-Noy. Sa resulta, nangangahulugang labis ang public dissatisfaction kay Corona.
ANG IMPEACHMENT ay largely political exercise. ‘Di masyadong factors ang legal aspects. Ang mga huwes ay mga senador. Tantya namin ay dehado si Corona. Makabubuti mag-resign na lang siya para makaiwas sa sobrang pagkakahiya.
BITTER-SWEET ANG homecoming ng Unilab retirees nakaraang Dec. 9. Mahigit na 900 ang dumalo sa kalahating araw na kainan at kasiyahan. Kasama ko si Caloy Ardosa, Rey Calzado, George Mañalac, Pabs Galman at Tony Campos. Halos lahat kami ay tumanda at ‘di iilan ang naka-wheelchairs at naka-facemasks. Masayang malungkot. Magkita-kita pa kaya kami sa isang taon?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez