HINDI LAMANG ANG mga vendor sa Caloocan City ang umaangal sa walang patumanggang kotongan sa Caloocan City ng mga kasapi ng Reform Department Public Safety and Traffic Management o RDPSTM na pinamumunuan ni Al Sta. Maria.
Sa impormasyong ipinaabot sa atin, ang katakut-takot na mga paradahan ng mga jeepney ay nag-aakyat ng limpak-limpak na salapi araw-araw, lalo na sa may parteng MCU Hospital at sa lahat halos ng sulok ng Caloocan.
Noong nakaraang kolum, parekoy, ay tinalakay natin ang naunang sumbong ng mga kawawang vendor sa Caloocan, na bagamat pinapayagan sila ni Sta. Maria na maglatag ng mga p’westo sa mga sidewalk ng Caloocan City, maging sa Bonifacio Monument Circle, ngunit sinasakal naman sila sa “kotong” ng mga tauhan nito sa halagang mula P80 hanggang P100 araw-araw.
Pangalawang panawagan na natin ito, parekoy, kay Caloocan City Mayor Recom Echiverri na sana naman ay bigyang-pansin na niya ang mga kalokohan o kotongan ng RDPSTM sa pamumuno ni Al Sta. Maria.
Mahirap na mayor, baka mapikon na sa iyo ang taumbayan!
IPINAGMALAKI PA MANDIN ni P-Noy sa kanyang State Of the Nation Address (SONA) ang tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, pero ang hindi niya alam ay puro na pala ito kapalpakan.
Ilang barangay sa Malabon City ang nagpaabot sa atin ng reklamo kung paano sila ginawang timawa ng 4Ps.
At naniniwala tayo, parekoy, na hindi lamang sa nasabing lungsod naganap ang pangyaya-ring ito.
Noong nakaraang Biyernes, ipinaalam sa mga 4Ps beneficiary ng 4 na barangay sa Malabon na makukuha na nila ang pera.
Madaling-araw pa lamang ay nag-ipun-ipon na ang mga kawawang beneficiaries sa “ampitheatre” ng Malabon.
Doon na sila inabot, parekoy, ng hapon, ngunit sa awa ng Diyos, nang inalam na nila sa ATM na inisyu sa kanila, ang iba ay P300 lamang ang laman at ang iba ay talagang zero balance!
Susmaryosep! Ito pala ang ipinagmamalaki ni P-Noy sa kanyang SONA tungkol sa tulong daw ng pamahalaan para sa mahihirap.
Gutom ang inabot ng karamihan at ang iba naman ay nangutang pa sa mga kapitbahay sa pag-asang makakabayad sila pag-uwi.
Ang masakit nito parekoy, hindi alam ng kawawang beneficiaries kung may pag-asa bang makuha pa nila ang perang para daw sa kanila!
Posible rin na “niyari” na ng kung sinong halimaw ang nasabing pera para sa mahihirap!
Paging DSWD Sec. Dinky Soliman, pakibusisi naman ang problemang ito!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303