KUNG MERON mang parada ng mga pulis na nangongotong sa Tayuman, siguradong nangunguna at tumatayong lider nito itong si PO2 Nilo Punzalan, Jr. na araw-araw present sa kanyang puwesto rito nga sa Tayuman malapit sa LRT.
Isang concerned citizen ang lumapit sa aking programang WANTED SA RADYO para isumbong itong mokong na ito na walang isang araw na mintis kung magbantay ng kanyang hang-out place bitbit pa ang isang sibilyan na may dalang belt bag, at doon walang habas na kinokotongan lahat ng nakapila sa iligal na terminal ng jeep. Pero para nga naman magmukhang malinis itong mokong na ito, aktong kukunin lang niya ang lisensya ng mga jeepney driver at ang dala niyang alalay ang kukuha ng mga kotong.
Si PO2 Punzalan na nga ang tumatayong lider nitong iligal na terminal, kung saan siya nga ang dapat bumubuwag nito! Araw-araw simula 4:00 p.m. hanggang bandang alas 8:00 p.m kung magbantay itong si PO2 Punzalan. At kung hindi makapaglalagay ang jeepney driver, alis sa pila ang parusa.
Ipinaalam namin ang balasubas na gawaing ito kay Major Jesus Cortez, ang Deputy Chief ng Manila Police Traffic, at sinabi na agaran niyang ipatatawag si PO2 Punzalan at sisiguraduhin niyang hindi na makababalik pa sa kanyang tambayan ang pulis na ito. Buo naman ang aking loob na aaksyunan kaagad ni Major Cortez ang sumbong na ito dahil isa na siya sa mga subok at pinakapinagkakatiwalaan ng mga tagasuporta ng WSR.
MUKHA NGANG hindi nasisindak itong mga pulis kotong dahil muli na namang dumarami ang mga sumbong tungkol sa kawalang-hiyaan nila.
Isang concerned citizen ang lumapit sa WSR upang isumbong ang dalawang pulis kotong na sina PO2 Eman Mantala at SPO3 Roylan Maring sa Biñan, Laguna. Kagaya ng nasabing modus ng mga pulis sa Tayuman, ganu’n din ang ginagawa ng dalawang balasubas na ito – may kasamang striker ang dalawang mokong para kunin ang mga kotong. ‘Yun nga lang, tuwing holiday lamang sila umaatake pero higit na mas mahal ang kanilang hinihinging lagay sa kinokotongan nilang side vendors.
Sa tatlong araw na pagtitinda ni concerned citizen, P1,500 kada araw ang sinisingil sa kanya at sa bawat kariton. Ayon sa concerned citizen, maging sa ngayon ay umaatake pa rin ang dalawa sa pangongotong.
Ang pinagtataka ko lamang ay bakit hindi alam ni Col. Leonardo Luna, ang Chief of Police ng Biñan, Laguna ang gawaing ito ng kanyang mga tauhan. Bakit hindi man lang nila pinapartehan ang kanilang boss? Kaya kami na ang nag-abot ng balitang ito sa kanya.
Ipinangako naman ni Col. Luna na agad niyang ipatitigil ang balasubas na gawaing ito ng kanyang dalawang tauhan. Dahil dito, umaasa kami na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako. At kung muli pa naming mabalitaan mula kay concerned citizen na hindi pa rin napatitigil ang kotongan, agad na akong magkakaroon ng hinala na may sabwatan na nagaganap.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O hindi kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0949-4616064.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30–6:00 p.m. sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo