PINAYUHAN NA SI Kris Aquino ng kanyang mga abogado na huwag nang magsalita ng tungkol sa isyu ng hiwalayan nila ni James Yap, dahil nasa husgado na ang usapin. Sa ngayon, medyo sumusunod naman siya dahil sa huling buwelta niya sa isyu, lalo na ro’n sa pagpapainterbyu ng mommy ni James na si Mrs. Annie Yap, maiksi na lang ang sinabi ni Tetay. Pero hanggang kailan? Sa totoo lang kasi, napakadulas ng kanyang dila lalo pa’t reaction queen din naman siyang talaga.
Dahil sa kadaldalan ni Kris, siya rin ang napapasama kaya hindi siya gusto ng publiko sa ngayon. Pansinin n’yo, na hindi niya mapaangat ang ratings ng Pilipinas Win Na Win. Ang mahirap kasi sa kanya, parang siya lang ang may karapatang magsalita. Ang dami-dami na niyang sinabi tungkol kay James, kaya lumantad na si Mrs. Annie Yap para idepensa ang basketbolista niyang anak. Sinupalpal na niya noon si James sa paninindigan nitong ipaglaban ang kanyang pagmamahal sa mommy ni Baby James, dahil iyon daw ang pangako niya sa yumaong Pangulong Cory Aquino. Ang sinabi ni Tetay ay huwag na raw gamitin pa ng kanyang husband ang Mommy Cory niya dahil nananahimik na.
Eh, hindi ba’t ginagamit din ni Kris ngayon si Baby James nang buweltahan niya si Mrs. Annie Yap sa sinabi nitong hindi pala naman siya boto kay Tetay nu’ng pakasalan siya ni James. Pagdating daw ng araw ay mapapanood ni Baby James ang nasabing interbyu. Sa totoo lang, lumaki sanang matalino ang kanyang anak at maunawaan ang napakaraming sitwasyong naganap. Dahil kapag nagbinata siya, marami naman talaga siyang malalaman. Una na nga riyan ay ang napaka-gulong mga pinagdaanang pakikipag-relasyon ng kanyang mommy. ‘Di ba naman?
TALAGANG DESIDIDO ANG movie producer na si Attorney Joji Alonzo na magpabongga ang kanyang kumpanya sa pagpoprodyus ng mga malalaking pelikula. Si Atty. Joji ang unang nagpursige para matuloy ang pelikulang Here Comes The Bride ng Star Cinema na kumita sa takilya. Sa ngayon, si Governor Vilma Santos-Recto ang pinupuntirya niya na maging bida sa isa niyang malaking proyekto at nakikipag-ugnayan na siya sa mommy ni Luis Manzano.
Nagsimula si Atty. Joji sa pagpoprodyus ng indie films, at ang Here Comes The Bride ang una niyang project na pang-mainstream. Interesado naman daw gumawa si Ate Vi ng indie film. Kaya nga lang, sana ay mahintay pa siya ng nabanggit na producer. Next year pa kasi ang posibilidad na muling harapin ng Star for all Seasons ang kanyang movie career, dahil sa ngayon ay tutok muna siya sa kanyang pamamahala bilang Governor sa Batangas.
Kahit next year pa muling gagawa ng pelikula si Ate Vi, ayon sa kanyang plano, isa rin ang Cory Aquino biofilm sa mga proyektong gusto niyang gawin. Maganda ang layunin ni Atty. Joji sa movie industry, at si Ate Vi naman ay mahilig tumugon sa mga pakiusap ng maliliit na movie producers kapag nilalambing siya na magbida sa kanilang mga unang proyekto, kaya inaabangan ng mga Vilmanians ang pagkakatuluyan ng nasabing plano.
__
ChorBA!
by Melchor Bautista