Iwas-pusoy na muna sa mga intriga si Kris Aquino dahil matapos ang kanyang meeting kasama ang mga boss ng ABS-CBN, napagdesisyunan nito na pansamantala munang mag-leave sa kanyang mga talkshows na kinabibilangan ng SNN at The Buzz.
Sa June 25, 2010 ang kanyang huling episode sa SNN at sa June 27 naman ang kanyang huling appearance sa The Buzz, ilang araw ito bago manumpa ang kanyang kapatid na si Noynoy Aquino bilang pangulo ng bansa.
Ginawa ito ni Kris bilang sakripisyo para sa kanyang kapatid na uupo sa pinakamataas na posisyon sa bansa. At dahil nga sa tanggap na niya ang kanyang pagiging natural na taklesa, iwas na siya sa mga pagbibigay ng mga komento at kung ano man sa mga talkshows. Tatakbo pa hanggang Agosto ang kanyang teleseryeng Kung Tayo’y Magkakalayo at pagkatapos noon, bibigyang-daan naman niya ang kanyang pangako sa dalawang anak sa kanilang Disneyland trip.
Pagdating naman ng Setyembre, magsisimula nang ilatag ang kanyang mga bagong shows sa ABS-CBN. Nilinaw naman ni Kris na hindi niya iiwan ang showbiz. Magpapaalam lang siya sa mga talkshows pero puwede pa rin siyang lumabas sa mga teleserye, mga game shows, talent shows at ang kanyang matagal nang pinapangarap na lifestyle at travel show.
Sa totoo lang, magandang move ito sa bahagi ni Kris, na siya na rin mismo ang nagkukusang gumawa ng paraan para makaiwas sa mga maaaring makasakit o makapag-bigay ng sakit ng ulo sa kanyang kapatid. Alam naman nating lahat na napaka-kontrobersiyal ni Kris at kahit anong lumabas sa kanyang bibig ay binibigyang kahulugan ng maraming manonood. Kaya, iwas-pusoy na lang!
Siya na nga ang magiging “The First Sister” ng kapatid na si Noynoy at mukhang hindi lang sa showbiz natin mararamdaman ang presence ni Kris dahil pati sa mundo na pulitika ay makikita na rin siya! ‘Di na kami magtataka kung sa 2013 o 2016 e, tumakbo na ng tuluyan sa gobyerno itong si Kris!
PATI ANG MGA showbiz personalities na nanalo noong eleksiyon ay todo na rin ang paghahanda sa kanilang mga posisyon sa gobyerno. Tulad ng mga first timers na sina Roselle Nava, Monsour del Rosario at Gian Sotto.
Ayon kay Roselle, hindi naman niya tutuluyang tatalikuran ang showbiz pero may mga priorities lang siyang gagawin. Ang kanyang mga proyekto naman ay sesentro sa culture and the arts sa kanyang distrito sa Parañaque, kung saan magagamit niya ang kanyang exposure at expertise sa sining.
Ganoon din si Monsour del Rosario, na siya naming magpo-focus sa youth and sports development.
Good luck sa inyong lahat, ha?! Sana ay makapagsilbi kayo nang matuwid at matiwasay sa bayan!