ANG CHEAP-CHEAP nu’ng nag-post ng blog na naging viral pa ang nakabubuwisit daw na ugali ni Kris Aquino. Ang luma ng balita. Noon pang me Game Ka Na Ba? si Kris, tapos, ngayon nagba-viral?
Saka ano ba ang ine-expect nilang ugali ng isang tao, lalo na’t hinahangaan? Na maging santa sila kaharap ang mga humahanga?
Eh, tao lang din ang mga ‘yan. Me mga mood swings. At si Kris Aquino, tulad din ng karaniwang tao na ‘pag wala sa mood ay ayaw pilitin ang sarili. After all, kaya nga minahal ng tao si Kris ay dahil sa kataklesahan niya at kaprangkahan niya at all times.
‘Pag humanga kayo sa tao, pinili n’yong hangaan sila. Pero hindi porke hinangaan n’yo, eh dapat maging mabait siya o sunud-sunuran sa mga fans porke ang katwiran ay, “Kaya ka sikat, dahil sa amin.”
Kung pakalalawakan lang ng mga humahanga ang kanilang isip ay puwede rin naman nilang isipin na, “Ah, siguro, wala sa mood, kaya nakasimangot.”
O, kaya, “Nako, baka nireregla ang lola mo, kaya wala sa mood.”
Ang mga artista ay hindi parang mga isda sa aquarium na naaliw ka ‘pag pinagmamasdan mo. Tao rin sila, may damdamin, marunong masaktan (parang umaawit lang ang peg ko, ah?).
Pero sa totoo, may mga artista talaga na kapaplastik o kasasama ng ugali.
Again, tulad din ng karaniwang tao na may plastik at may masasama rin ang ugali.
Pero si Kris Aquino, it’s either you hate her or love her. ‘Pag ‘di mo kaya, andami namang ibang artista diyan, du’n mo ilipat ang paghanga mo.
Oh My G!
by Ogie Diaz