NAKATUTUWA NA laging nangunguna ang mga artista sa pakikisimpatya at pagtulong sa mga nagiging biktima ng kalamidad. Tulad na lamang nitong nagdaang bagyong Yolanda na halos burahin sa mapa ang Tacloban, Samar, Leyte, ilang towns din sa Cebu at sa Aklan at sa Palawan.
As always, consistent diyan sina Angel Locsin at Anne Curtis na nagga-garage sale para kung magkano ang mabebenta ay ‘yun ang kanilang ambag, bukod pa sa sarili nilang pera.
Si Anne ay nangangalampag na manood ang mga kababayan ng kanyang show sa Midlle East at ang buong talent fee niya roon ay ido-donate niya sa typhoon victims.
Si Angel ay laging nakadikit naman sa Red Cross.
May sarili ring paraan si Kris Aquino para mangalampag sa kanyang mga kumpanya ng mga produktong ine-endorse niya. Sa “KrisTV” nga ay panay ang buhos ng tulong at nakailang milyon ding hingi si Kris sa mga sponsor.
Ang nakatutuwa pa, kahit hindi niya ine-endorse ang nagbigay ng donasyon ay ipino-promote pa niya sa televiewers na ito’y suportahan, dahil tumutulong sa oras ng pangangailangan ng mga kapwa Pilipino.
Ang nanay naman ni Daniel Padilla ay may sarili ring donation drive. Talagang thru Twitter at Instagram ay nanghihingi siya sa mga fans nina Daniel at Kathryn Bernardo para maipadala nila sa Tacloban, Leyte kung saan sa wakas ay nalaman na rin nitong buhay ang kanyang pamilya na naroroon.
Nagbebenta rin ng kanilang mga gamit sina Regine Velasquez, Aiko Melendez, Mirriam Quiambao at iba pa para ‘yung benta roon ay maipo-forward nila sa foundation na magdadala ng kanilang tulong.
Mag-i-stage pa ng concert ang mga Kapuso sa Zirkoh Morato at ang Kapamilya naman ay meron din sa Araneta Coliseum sa Nov. 16.
Actually, ilan lang sila sa mga nabanggit namin, pero marami pa rin, mapa-artista man o hindi ang talagang aware na aware na hindi ngayon ang panahon para isipin ang sarili lamang, kundi ang kapakanan din ng kapwa.
Mga Pilipino sa abroad, mga kapit-bahay na bansa ng Pilipinas, mga netizen sa social media, kung iisa-isahin natin ay baka kulangin tayo ng espasyo. Ang mahalaga ngayon, buhay na buhay na naman ang spirit ng bayanihan.
MARAMI NAMAN ang mga umeepal na netizen na bakit daw kailangan pang ipagmakaingay ng artista ang kanilang pagtulong? Ba’t daw hindi na lang tumahimik at kailangan daw ba talagang i-announce na tumulong ka? O kailangan ba, may kamerang nakatutok bago tumulong?
Simple lang ang katwiran namin dito. Ang sa amin lang, choice ‘yon ng mga tumutulong kung gusto nilang i-post sa Facebook, Twitter o Instagram ang kanilang paraan ng pagtulong o ‘yun mismong itutulong nila.
Naniniwala kami na sa ganitong paraan nakikita ng mga netizen o ng mga manonood ay mahihimok ang mga tao na mag-ambag din ng kanilang makakayanan sa mga biktima ng kalamidad.
Kung naiirita kayong ipinagmamakaingay pa ang pagtulong eh, ‘di i-unfriend n’yo sa inyong Facebook, i-unfollow n’yo sa Twitter at Instagram para hindi na kayo ma-highblood. Kani-kaniya tayo ng paniniwala, eh.
Kung ikaw tumulong at hindi ka sanay na ipagbanduhan pa ang itinulong mo, eh ‘di manahimik ka. Iba naman ang prinsipyo ng iba riyan kung ipinagmamakaingay nila, eh. Gusto nilang ipamulat sa mga manhid na, “Kami nga, nakapagdo-donate kahit ito lang, ikaw ba, me nagawa na?”
Kaya ‘yung mga tumitira ke Kris na ba’t daw kailangang i-post na nagbigay ito ng P400,000 ke Ormoc Congw. Lucy Torres-Gomez ay hindi naman siya ang nag-post, kundi ang mag-asawang Lucy at Richard Gomez, dahil sila’y natutuwa sa naging gesture ni Kris.
Buti na lang si Kris, manhid na sa mga basher at epal, kaya idinadaan na lang niya ‘yan sa pag-smile at patuloy na pagtulong. Habang ‘yung ibang bumabatikos sa kanya ay hanggang ngayon, nganga pa rin at hindi tumutulong.
‘Di ba? Kaya tumigil na kayo kung wala rin naman kayong silbi sa mga kababayan n’yo, okay?
Oh My G!
by Ogie Diaz