Naging madamdamin ang TV host-actress na si Kris Aquino sa kanyang interview sa special coverage ng The Buzz noong Linggo. Doon, inilabas ni Kris ang kanyang mga hinaing, emosyon at kinukubling kalungkutan sa mga huling sandali ng kanyang ina. Punto per punto niyang idinetalye ang kanyang mga pakikipag-usap at mga habilin sa kanya ng namayapang dating pangulong Corazon Aquino.
Walang sandaling hindi umiiyak si Kris. Sa bawat paglalahad niya ng mga binitawang salita ng kanyang ina, bumubuhos ang iyak at luha sa kanyang mga mata. Parang batang humahagulgol si Kris at sinasabing, “Paano na kung may bagong show, wala nang magte-text sa akin ng good luck at congratulations,” sabay iyak nang napakalakas.
Ikinuwento rin ni Kris ang mga pangako niya sa kanyang ina. Sa larangan ng pulitika, susuportahan niya nang buong-buo ang lahat ng mga plano ng kanyang kapatid na si Sen. Noynoy Aquino. Handa rin naman siyang magbahagi ng kung ano mang meron siya sa kanyang mga babaeng kapatid. Nailahad din ni Kris ang pagbanggit ni Tita Cory sa kanya na ipasabi sa lahat ng mga nanalangin at nag-aalala sa kanyang kalagayan na “Tama na!” at sa punto raw na iyon, alam na ni Kris na handa na ang kanyang ina na samahan na ang kanyang ama na si Ninoy.
Sa naturang interview ring iyon, binanggit ni Kris na tinanong daw niya ang kanyang ina kung gusto ba daw nitong magpakasal sila ni James Yap sa simbahan. Oo ang naging tugon daw ni Tita Cory. Sinundan ito ni Kris ng tanong na, “Gusto mo rin ba sa anniversary n’yo ni Daddy?” Oo rin ang naging sagot ng dating pangulo. Kung hindi kami nagkakamali sa aming pagre-research, October 11 ang wedding date ng mag-asawang Cory at Ninoy. 1955 ang taon ng kanilang pagpapakasal kaya kung isusunod ni Kris ang kanyang church wedding sa anniversary ng kanyang mga magulang, sa October 11 ito mangyayari.
Sa takbo ng mga pangyayari ngayon, mukhang hindi pa sa darating na October 11 ito magaganap. Siyempre, kasabihan na rin ng mga matatanda, mas maigi pang magbabang-luksa muna. Naisip na lang namin na baka sa October 11, 2010 na sila magpapakasal at hindi na muna ngayon. At kung mangyayari ito, I’m sure matutuwa at masayang nakangiti sa langit ang kanyang mga magulang na sina Ninoy at Cory.
Nais ko lang po’ng iparating, kahit sa maliit na espasyo ng aking kolumn, ang aking taos-pusong pakikiramay sa pamilyang Aquino. Hindi madali ang mawalan ng ina lalo pa’t naging kabahagi at sandalan mo siya sa mga masasaya’t magugulong sandali ng iyong buhay. Ang panalangin ko ay mabigyan ng lakas sina Kris, Noynoy at buong pamilya, na maka-move on at makahanap ng lakas na labanan ang kalungkutan.
Tita Cory, mami-miss po namin ang kulay dilaw. Ikaw ang nagpabago ng tingin ko sa kulay na dilaw. Sa aking munting paraan, ipagpapatuloy ko ang iyong sinimulan, kasama ang marami pa nating mga kababayan. Salamat po.