NABABASA LANG NAMIN sa mga kolum ng mga kasamahan naming manunulat ang mga kuwento tungkol sa kanila, pero hindi namin sila kilala nang personal at ni hindi pa nga namin sila nakikita nang harap-harapan.
Minsan na kaming nagkasabay sa isang fiesta, pero hindi pa rin nagkrus ang aming landas, nu’ng umalis kami ay saka naman sila dumating sa lugar.
Pero nu’ng Linggo nang gabi ay nakilala na namin nang personal sina Aljur Abrenica at Kris Bernal, dalawa sa pinakamaiinit na young stars ng GMA-7, sa fiesta sa Pulo, San Rafael, Bulacan namin sila nakaharap at nakakuwentuhan.
‘Maliit lang pala at napakapayat ni Kris Bernal, parang sa isang malakas na ihip lang ng hangin ay babagsak na ang dalaga, pero maganda ito.
Nakabenda ang kanang kamay ni Aljur, binakalan daw, naaksidente siya sa linya ng kanyang trabaho. Noon pa may mga nagsasabi sa amin, kahawig daw ni Piolo Pascual si Aljur Abrenica, nu’ng magkaharap kami ng young actor ay mas naging malinaw sa amin ang pagkakaiba ng mga salitang magkamukha at hawig lang.
Nu’ng sumalang na sa entablado ang pambatong loveteam ng Siyete ay nagsigawan ang audience, marami silang tagahanga, kinikilig ang mga ito nu’ng mag-duet sila.
Tuloy ay naalala namin ang kuwento ng isang malabigang direktor nu’ng minsang makakuwentuhan namin, “’Yung mga tumitiling fans, hindi sila ‘yung nagbabayad sa mga sinehan.”
Parang totoo ‘yun para kina Aljur at Kris dahil ang pelikulang ginawa nila para sa Regal Films ay nag-first day-last day sa halos lahat ng mga sinehang pinagpalabasan nu’n.
Tinanggal agad ang pelikula sa mga sinehan dahil ayaw nang magbayad ng produksiyon sa minimum guarantee na pinaiiral ng mga sinehan.
Nakalulungkot isipin na kung kailan naman ipinalabas ang pelikula nina Aljur at Kris ay saka naman umeksena sina Ondoy at Pepeng, saka naman nangailangan ng salbabida ang ating mga kababayan, dahil sa sobrang lalim ng baha sa maraming lugar.
Pero hindi naman katapusan ng mundo para kina Aljur at Kris, sa isang kuwentong nabasa namin tungkol sa isang matagumpay na mountaineer ay sinabi nito na ilampung bagsak at pagkabali muna ng kanyang mga buto ang naengkuwentro nito bago natutunan ang makinis na pag-akyat sa bundok nang walang kagalos-galos.
NAPAKABILIS NAMANG NAKAPAGTAYO agad ng tulay sa publiko ni Bugoy Drilon, ilang beses na naming nakakasama sa mga shows sa probinsiya ang magaling na singer, hawak niya sa leeg ang manonood habang nakasalang siya.
At baligtad ang atake ni Bugoy, inuuna niyang kantahin ang mabibilis na piyesa, kesa sa mga pinasikat niyang ballads. Pagkatapos niyang sumayaw nang sumayaw ay saka siya kakanta ng mabagal, pero wala siyang kahingal-hingal, maayos at nasa tamang tono niyang natatapos ang kanta.
Kapansin-pansin din na madaling kagaanan ng loob si Bugoy, malaki ang nagawa para sa kanya ng malungkot niyang buhay sa Bicol na napanood ng publiko sa Pinoy Dream Academy, kaya sa bawat lugar na puntahan niya ay parang kinukupkop siya ng ating mga kababayan.
Habang nagpe-perform si Bugoy ay hindi ka maiinip, meron siyang sariling paraan para maging buhay na buhay ang manonood, marami pang matagumpay na taon na naghihintay sa singer na ito.
At napakabait ni Bugoy. Wala siyang kaarte-arte sa katawan. Hindi mo siya kailangang asikasuhin palagi, tahimik lang siyang naghihintay kung kailan siya sasalang, kaya isa si Bugoy Drilon sa mga regular naming kinukuhang artista sa mga provincial shows na inilalapit sa amin.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin