Krisis

NAITANONG N’YO na ba sa sarili kung bakit ang ating bansa ay isang “Third World Country”? O bakit kaya minsan ay tinatawag din tayong “Developing Country”? Ang mga katawagang “Third World Country” at “Developing Country” ay partikular na tumutukoy sa katayuang ekonomikal ng isang bansa. Ang ibig sabihin nito ay makaluma at nahuhuli sa teknolohiya ang isang bansa. Ipinapakahulugan din nito na mabagal ang kaunlaran sa bansang ito.

Maraming mga salik ang pagiging mabagal ng pag-undlad sa isang bansa. Isa lamang dito ang korapsyon. Ang mas malaking dahilan ng kabagalang ito sa ekonomiya ay ang krisis sa kuryente. Sa isang simpleng lohiko ay madali nating mabibigyang koneksyon ang krisis sa kuryente at mabagal na ekonomiya.

Ang paglago ng isang ekonomiya ay nakasalalay sa mga industriya, kung saan halos lahat ng ito ay nangangailagan ng matibay na mapagkukunan ng kuryente.

Ang sipmpleng lohiko rito ay kung walang sapat na mapagkukunan ng kuryente ay walang industriyang magpapalago sa ekonomiya ng bansa. Sa artikulong ito ay nais kong pag-usapan ang napipintong krisis sa kuryente sa ating bayan kalakip ang posibleng paghingi ng emergency power ni PNoy.

ANG ENERHIYA na pinagkukunan ng kuryente sa kahit na anong bansa ang maituturing na pangunahing mekanismo ng mga industriyang nakapaloob dito para ito lumago. Mamamatay ang mga industriyang ito kung walang matibay na mapagkukunan ng enerhiya. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang ating bansa ay nahaharap sa isang napipintong krisis sa kuryente.

Kapos na ang mga plantang pinagkukunan natin ng kuryente. Palibhasa’y walang tibay ang mga ito. Ang halos 80% ng enerhiyang pinanggagalingan ng ating kuryente ay nagmumula sa paggamit at pag-angkat ng langis at krudo. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit napakamahal ng kuryente sa ating bansa. Katunayan, tayo ang isa sa may pinakamahal na kuryente sa Asia.

Sa tuwing nagmamahal ang presyo ng langis at krudo sa pandaigdigang pamilihan, direktang naaapektuhan ang produksyon ng enerhiya sa ating bansa. Ang resulta nito ay hindi lang pagtaas ng bayarin sa kuryente ng mga pangkaraniwang Pilipino kundi pagtaas din ng halos lahat ng produkto at serbisyo sa merkado dahil apektado ang lahat ng mga industriya sa kalagayan ng supply ng enerhiya sa bansa.

ANG BANTA ng isang krisis sa kuryente ay malaking banta sa ekonomiya. Kung magaganap ang krisis na ito ay maraming mga pagawaan o factory, kumpanya o mga business establishments ang magsasara dahil hindi sila makapagpapatuloy sa kanilang produksyon at trabaho. Ang resulta nito ay ang pagkawala ng mga hanapbuhay at mapagkukunan ng kita. Babagsak ang ekonomiya ng Pilipinas at marami ang magugutom at kasabay nito ay ang pagtaas ng kriminalidad sa bansa.

Kaya hindi kataka-taka kung mangangailangan ang Pangulo ng bansa ng isang “emergency power” para maagapan ang krisis na ito sa enerhiya at kuryente. Ginawa ito ni dating Pangulong Fidel Ramos nang humingi siya ng “emergency power” para magkaroon siya ng direktang kontrol sa nagaganap na krisis sa enerhiya noong panahong iyon.

Ang pag-adjust nang mas maaga ng isang oras mula sa standard time ng lahat ng kompanya, eskuwelahahan, opisina, mall at lahat ng institusyon ang isang halimbawa ng naging tugon ni Ramos sa krisis na ito. Mas kilala ang solusyong ito ni Ramos sa tawag na Day Light Energy Saving Time. Sa pamamagitan nito ay nakatitipid ng isang oras na paggamit ng kuryente sa buong bansa dahil mas maagang nagsisimula at natatapos ang mga tao sa kanilang mga gawain, bagay na nagtutulak para hindi gumamit at magbawas ng gamit sa kuryente.

KUNG HAHANAPIN natin kung saan nag-ugat ang krisis na ito ay matatanto natin na nasa kamay ng ating mga naunang pinuno ng bansa ang naging pagkukulang sa pagtugon sa problemang ito. Dito ko bibigyang kredito ang dating Pangulong Ferdinand Marcos dahil nakita niya ang problemang ito at humanap siya ng naaangkop na solusyon dito.

Ang pagtatayo ng Nuclear Power Plant sa Bataan ang nakita niyang solusyon sa krisis na ito. Ang pagdami ng mga factory at iba’t ibang industriya sa bansa noong mga panahong iyon ay kagyat na nangailangan ng maraming pagkukunan ng enerhiya. Dadag pa ang pagbubukas ng Light Rail Transit (LRT). Sa kasamaang palad ay hindi ito natuloy, kasabay ng pagbagsak ni Marcos sa kanyang kapangyarihan.

Sa panahon ni Pangulong Cory Aquino ay tuluyan nang pinatay ang proyektong ito. Walang naging alternatibong solusyon dito at sa loob ng 6 na taon ay mas tumindi at lumala ang problema sa enerhiya. Lalong humirap ang bansa sa rehimeng Cory Aquino. Sa pagpasok ni Pangulong Ramos ay tumambad sa kanya ang malaking krirsis sa enerhiya at kuryente kaya naman napilitan siyang pumasok sa mga kasunduang naglagay sa Pilipinas sa alanganin.

Sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada nagpatuloy pa ang pagkatali ng ating mga kamay sa mga kontratang nagtatakda sa mga taong magbayad nang malaki kasama na ang mga naluluging pera ng mga power producing company. Sa kasalukuyan ay tali pa rin ang ating mga kamay sa mga kontratang ito.

MARAHIL AY panahon na upang buhayin ang solusyong minsang pinasimulan ni dating Marcos. Ang lahat ng mauunlad na bansa ay may sariling Nuclear Power Plant at hindi umaasa sa krudo at langis.

Ang pag-unlad ay nasa kamay ng teknolohiya ngayon at ito ay nagtatakda ng malaking pangangailangan sa enerhiya. Dapat ay masusing pag-isipan ni PNoy ang puntong ito dahil baka sa pamamagitan ng solusyong ito ay muling lumiwanag, guminhawa at luminis ang kanyang tuwid na daan!

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBiktima ng Sexual Abuse ng Sariling Tiyo
Next articleAiko Melendez, suko kay Nora Aunor

No posts to display