SA TAKBO ng mga pangyayari ngayon ay maraming eksperto sa politika ang nagsasabi na kailangang maghinay-hinay ang mga senador sa mga bangayan nila na umaabot na sa personalan at paninirang-puri. Ang gulong ito ay nag-ugat sa kontrobersyal na paglalabas ng tinaguriang “Napolist”.
Ang mga alitan nina Senator Panfilo Lacson at Miriam Defensor-Santiago sa isa’t isa ay hindi nagdudulot ng mabuting halimbawa lalo na sa mga mag-aaral na umiidolo sa kanila. Ang palitan nila ng mga mapanirang salita ay nagpapakita lamang ng kawalang katuwiran sa kanilang pag-iisip at hindi pagiging propesyonal sa kanilang trabaho bilang mga kagalang-galang na senador ng ating bayan. Kung magpapatuloy ang ganitong pagtrato ng mga senador sa bawat isa ay baka magkaroon nga ng tinatawag na krisis sa Senado.
Sa isang dako nasasayang lang ang perang inilalaan para sa Senado, dahil hindi naman nila nagagampanan ang kanilang tungkulin na gumawa ng batas kung puro bangayan ang kanilang inaatupag. Mas mabuti pa na mag-leave without pay muna ang mga senador habang nililinis nila ang kanilang pangalan. May mga ilang senador pa naman na nananatiling malinis at matino sa kanilang tungkulin na magpapatuloy gumawa ng mga batas na kapaki-pakinabang sa ating bayan.
NATITIYAK KO na ang bawat isa ay nakararamdam na ng pagkasuya sa isyu ng pork barrel. Matagal nang naideklara ng Kataas-taasang Hukuman na ang pork barrel o PDAF ay unconstitutional. Subalit, sa kanilang deklarasyong ito mula sa Supreme Court ay tila iniisahan lang tayo ng mga senador upang magamit nila ang mga pondo para sa PDAF sa ibang katawagan lamang. Kaya hindi ko masisi ang marami sa ating kababayan na sumuko nang umasa sa pag-unlad ng bayang ito at namuhay na sa ibang bayan.
Simula nang pumutok ang isyung ito ay puro satsat lang ang mga mambabatas ngunit wala naman ni isang batas ang kanilang naipanukala para malutas ang problema ng korapsyon sa ating gobyerno. Maging ang ating pamahalaan na nangakong magkakaroon ng isang tuwid na daan ay tila naligaw rin ng landas. Maraming mga pagbubunyag na ginawa ang gobyernong PNoy subalit magpahanggang ngayon ay wala pa ring nabibigyan ng hatol sa kasalanang ginawa sa bayan.
Hindi ako magtataka kung sa mga susunod na araw ay si PNoy naman ang mismong madadawit sa mga kalokohang nagaganap sa gobyerno. Ang tila pagtatakip na ginagawa ng administrasyong Aquino sa kanyang mga kaalyado hinggil sa pagkakadawit ng mga pangalan nito sa “Napolist” ay hindi nakabubuti sa tunay na layunin ng kanilang tuwid na daan. Dapat nga ay manguna pa ang Pangulo sa pagsibak sa puwesto sa mga sangkot na ito habang umuusad ang imbestigasyon ng Ombudsman.
ANG TUNAY na krisis sa Senado ay magaganap kung ang mga mambabatas ay magtatakipan at magkukutsabahan sa kanilang maling gawain. Dito talagang talo at walang mga kalaban-laban ang mga mamamayan dahil parang iginigisa lamang sila sa kanilang sariling mantika. Ang tanong ngayon ay mayroon nga bang sabwatang nagaganap sa Senado? Hindi ko sasagutin ito ngunit alam ko na mayroon kayong personal na opinyon sa tanong na ito.
Mayroong krisis sa Senado kung walang mga matitinong batas na naipapasa at napakikinabangan ng bansa. Ang ibig sabihin, hindi nagagampanan ng institusyong ito ang tungkuling iniatas ng ating Saligang Batas kaya tunay ngang masasabi na isa itong krisis sapagkat ang bayang walang pag-unlad sa mga batas na ipinapatupad nito ay walang kinabukasan at tuluyang maglalaho bilang isang bansa. Ang tanong ay sapat ba ang mga batas na ginagawa ng Senado para sa ating bansa?
ANO NGAYON ang maaari nating gawin bilang mamamayan na may malasakit sa bayan? Alam ko na sa kabila ng paulit-ulit na paglabas ng mga anomalya sa gobyerno, paulit-ulit pa rin natin silang iniluluklok sa kapangyarihan. Ang ilan sa kanila ay nariyan na sa gobyerno noon pa mang panahon ng mga nakaraang administrasyon. Samu’t saring mga isyu ng pang-aabuso sa kapangyarihan at korapsyon ang inuugnay sa kanilang pangalan ngunit patuloy pa rin silang namamayagpag sa kapangyarihan magpasahanggang ngayon.
Panahon na para baguhin natin ang ganitong gawi. Sa totoo lang, nasa ating mga kamay ang tunay na pagbabago na matagal na nating hinihiling. Nasa ating mga kamay ang pagkakaroon ng isang maayos at mabuting gobyerno na kayang tumugon sa ating mga pangangailangan. Nasa ating kamay ang pagkakaroon ng mga matatapat, magagaling at may malasakit na nambabatas. Tayo ang boss dito. Tayo ang magluluklok sa kanila aa kapangyarihan.
Dalawang taon mula ngayon ay magiging boss na naman tayo sa paghahanap at pagpili ng bagong presidente, bise-presidente, senador, congressman, gobernador at mayor hanggang sa pinakamababang puwesto ng mga konsehal sa ating mga distrito. Huwag nating ipagbili ang ating karapatan sa pagpili ng nararapat at ipakita natin na ang bossing nila ay hindi nabibili ng salapi. Ipakita natin na tayo ay matatalino, kritikal at nag-iisip. Gawin natin ito! Kaya natin ito!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo