MATAGAL NA PALANG nagpapa-interview si Manny Pacquiao bilang pagtatanggol kay Krista Ranillo. Kung hindi ko pa nabasa ang column ng kapatid na Ruben Marasigan kahapon, hindi ko pa natiyak na gentleman naman pala itong Pambansang Kamao.
“Matagal at paulit-ulit kong sinasabi ito at ipinakikiusap sa mga umi-interview sa akin, pero, hindi nasusulat. Mas gusto nilang intrigahin kami,” dagdag impormasyon niya. Never pa kasing nagkaroon ng pagkakataon ang inyong lingkod, na makausap siya, dahil limitado ang mga naiimbita sa kanyang mga presscon.
Tuloy, negang-nega ang dating sa akin ng taong ito na tinitingala ng buong bayan at buong mundo. Hindi man lang, ‘ika ko, naawa kay Krista. Hindi man lang niya napatunayan ang pagiging maginoo sa harap ng situwasyon. Ni hindi niya nakuhang pigilin ang bibig ng asawa na tapusin na ang intriga, dahil sinasabi naman nilang okey ang kanilang pagsasamang mag-asawa. At kahit kailan ay hindi sila maghihiwalay. Nagmumukha tuloy siyang under de saya.
Sabi nga ng kaibigang Ronald Constantino: “What home did Krista wreck?”
Ang taas-taas na uli ng pagtingin ko kay Pacman. Iyon lang talaga ang kailangan para matapos ang intriga. Iyon lang ang makapagbabalik ng ngiti sa mga labi ni Krista. At ito rin ang hudyat para makapagpatuloy siyang gampanan ang mga projects na natatanggap niya. Sa unang bulusok ng intriga lang naman talaga sobra-sobra ang epekto nito sa dalaga. Salamat sa advertisers na patuloy na sumusuporta sa kanya – sa mga commercials, tulad ng Ginebra San Miguel. Ganu’n din sa ilang bigwigs ng ABS-CBN, sa May Bukas Pa, ASAP, Showtime, Rated K, and eventually, MMK at isang teleserye na magpapatunay kung gaano kagaling ang talento ni Krista bilang isang artista.
“Thanks to Deo Endrinal for the love and support,” ani Krista sa ASAP.
Tiyak na matutuwa rin si Krista sa sinulat ni Ruben, dahil may regalo siyang hatid sa pinakamamahal niyang Daddy (si Mat Ranillo III) na tulad niya ay inulan din ng batikos.
“Napakabait ni Krista, madasalin tulad ng kanyang pamilya,” patuloy ni Manny. “Ako na nga itong nagsasabi na magkaibigan lang kami, iba pa rin ang gustong isulat ng mga kumakausap sa akin. Naawa rin ako sa producer namin (Wilson Tieng ng Solar Films). Ang laki rin ng nagastos niya sa pag-produce ng pelikulang Wapakman. Maganda rin ang intention namin na maging regalo ito sa mga bata ngayong Pasko. Sana, kumita para lalong umunlad ang ating industry.”
NATIYEMPUHAN DIN NG masipag nating fotog (si Fernan Sucalit) si Krista mula sa isang pictorial for a glossy mag, at siya man ay humanga sa tatag nitong ipagpatuloy ang lahat niyang ginagawa.
Bago ito, nagsunud-sunod din ang mga cover pictorial ni Krista sa iba pang magazine. Patunay lang that she’s really a HOT COPY! Sana, may makasama itong BullChit column ko ng latest pictorial ni Krista that only Pinoy Parazzi has exclusively taken.
Hindi rin naging hadlang ang negative publicities sa paglabas ng latest poster ni Krista for Ginebra. Sa totoo lang, sold out ang unang arangkada ng launching nito. At nakatatanggap pa ang mga nasa likod nito ng repeat orders na pagbibigyan naman siyempre ng paborito na ngayong inuming panlalaki.
Posibleng nakaalis na si Krista ‘pag labas ng column na ito. Kasama niya sa pag-alis ang guwapong younger brother niyang si Kevin. Nagpapauna na ako dahil baka magkaroon ng ibang interpretasyon kapag nakita siyang akbay-akbay ng nakababatang kapatid.
Nabanggit kasi ni Krista sa inyong lingkod na sa States sila magpa-Pasko at magre-reunion. Buong pamilya silang makakasama ng bunsong kapatid na si Trixie (nasa hospital pa rin ngayon after her operation). Naroon din ang Mom at Dad niya. “I intend to make our Christmas this year a very merry one!” Wish ni Krista. “I’am also wishing everybody, LOVE, PEACE AND HAPPINESS.”
BULL Chit!
by Chit Ramos