KUNG TUTUUSIN, PUPUWEDENG sabihing patapon na ang career ni Kristine Hermosa sa Dos dahil kung anu-ano na lang ang mga ipinapagawa rito. Pagkatapos ng afternoon soap na Prinsesa ng Banyera, tila nanlamig na lang nang ganoon ang career ng aktres, pero nag-iiba ang ihip ng hangin ngayon.
Itatampok si Kristine sa TV remake ng Maruja, bahagi ng “Komiks Presents,” ang klasikong nobela ni Mars Ravelo, dalawang beses na pinagbidahan noon ni Susan Roces sa pelikula at kapuwa idinirek pa man din ng yumaong Lino Brocka. Mukhang dito muli magsisimula si Kristine.
“Masaya na rin ako kung ganoon ang naging pacing ng career ko,” sabi pa niya. “Hindi rin maganda kung lagi na lang ang pagmumukha ko ang napapanood sa TV. Kahit paano, natutuwa ako na may mga nasasabik pa rin sa akin.”
Parang sumabay nga raw ito sa pagiging malayang muli ni Kristine nang ipahayag na wala talagang bisa, sa simula pa lamang, ‘yung kasal na namagitan sa kanila ni Diether Ocampo. Bumabangon si Kristine sa matinding impact ng relasyong ito na nakaapekto namang talaga sa career niya.
Ito rin siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, todo-deny pa rin si Kristine sa real score sa kanila ni Oyo Sotto. Masyadong dikit na si Kristine sa mga Sotto at kinuha pa siyang isa sa mga ninang ng anak nina Danica Sotto at Marc Pingris. Tanggap na rin talaga ng mga Sotto si Kristine na posibleng maging kapamilya na rin nila, in the future. Hindi man maikakaila ang naiibang closeness sa kanila, sinasabi pa rin ni Kristine na magkaibigan pa lang daw sila.
Itinuturong dahilan ni Kristine ang trauma na inabot niya sa pakikipagrelasyon noon kay Jericho Rosales, at mas malala, ‘yung sa kanila ni Diether. Malamang na ito ang advice kay Kristine ng mga nagmamalasakit sa career niya, na kung gusto niyang makabalikwas, huwag na muna niyang i-project ang impresyon na mas binibigyan na naman niya ng prayoridad ang pag-ibig.
Well, action speaks louder than words. More than enough to say that what we see in Kristine and Oyo is what we actually get.
SAMANTALA, AWARE KAYA si Derek Ramsay na ang huling version ng Maruja, na nagtampok kay Carmina Villarroel in the title role, ang leading man na gumanap dito at kapareha ni Carmina ay si Rustom Padilla, na mas kilala ngayon bilang BB Gandanghari?
Napangiti na lang si Derek sa pag-uugnay na ito, at mahirap din kasing ma-imagine na baka magkaganoon din si Derek sa tunay na buhay. Hindi ba’t super-project ng kamachohan si Rustom noon kasama na ang pagganap bilang lalaki sa buhay ni “Maruja” na unang ginampanan sa puting tabing, nina Romeo Vasquez at Phillip Salvador?
Sa totoo lang, wala namang traces ng pagkakaroon ng questionable gender itong si Derek. Ni wala kaming alam na na-blind item itong may maiko-connect sa kabaklaan. Ever since, lalaking-lalaki ang projection nito, lalo pa’t laging napapabalita ang itinatakbo ng relasyon nila ni Angelica Panganiban.
Calm Ever
Archie de Calma