SA UNANG pasabog ng Ang Latest, ang bagong talkshow ng TV5, nagsalita si Krsitoffer King tungkol sa kanyang buhay, kung saan naging interesado ang mga tao sa kanya dahil sa pagkapanalo niya ng Cinemalaya 2012 Best Actor, New Breed category via his indie film na Oros.
Nagsimula ang istorya sa pagkukum-para kay Kristoffer at sa kasabayan niyang si Coco Martin. Pareho kasing may entry ang dalawa sa Cinemalaya at pareho rin silang nominado sa pagka-best actor pero nakuha nang una ang tropeo.
Sino kaya sa kanila ni Coco ang magaling umarte? Mas nabigyan lang nga ba ng maraming break si Coco kaysa sa kanya?
Mahinahong sagot ni Kristoffer, “Hindi naman siguro, hindi ko nga nararamdaman na artista ako, eh.
“Talagang naghalo ‘yung tuwa at kaba siyempre. Iniisip ko, Diyos ko ‘pag may kumuha (sa akin) mag-e-expect sila ng ano (dapat magaling na performance), ng mas ano ito, best actor, kailangang mag ano (gagalingan ko), ‘yun… kaya ako kinakabahan.”
Ayon pa sa Ang Latest, matapos tanghalin bilang best actor ay naging matunog na ang pangalang Kristoffer King, kaya naman tinanong sa actor ang tungkol sa kanyang pinagmulan at bakit siya ikinukumpara kay Coco.
Lahad ng Oros star, “Lumaki ako sa Baclaran, bago ako mag-showbiz mayroong business ‘yung father ko, ‘yung agency sa Japan. Sa Don Bosco ako nag-aral simula prep hanggang high school, tapos ‘yung 4th year ko na, nagkasakit ‘yung mother ko sa kidney, naubos ‘yung pera namin dahil sa dialysis.”
Hindi na rin daw kinaya ng ina ni Kristoffer ang karamdaman at pumanaw ito noong fourth year high school siya. Nag-asawa rin daw agad ang kanyang ama at sa murang edad daw niya ay natutunan na niyang magbanat ng sariling buto. Kinalaunan, nag-audition si Kristoffer para sa pelikulang Ang Babae Sa Breakwater.
Kuwento pa nito, “Basta nag-audition na lang ako kay Direk Mario O’Hara (SLN). Tapos ‘yun, sabi niya, okay, ikaw na ‘yung ano (lead star)… hindi ko pa naiintindihan ‘yung mga lead, lead na ‘yan.”
Hindi kaya siya na shock na nagpakita siya kaagad ng katawan? “Hindi naman, kasi sabi nila sa akin, marami ang may gusto sa role na ‘yan.”
Ayon pa sa kuwento, kahit na naging sunud-sunod ang kanyang mga pelikula, hindi raw naging sapat ang kanyang kinikita kaya raw napilitan siyang gumawa ng ‘ibang bagay’ bukod sa pag-arte. Kumakapit daw siya sa patalim.
Isa namang mabilis na “Oo,” ang sagot nito.
Balik na tanong ng show sa kanya, “Kris, sensitive ‘to pero sinagot mong oo, bakit?”
Walang pag-alinlangang sagot ni Kristoffer, “Eh, kailangan eh, pero ingat na ingat akong magkaroon ng record na masama.”
Tanong pa ulit sa kanya, “Hanggang saan nga ba ang kayang ibigay ng isang Kristoffer King para sumikat at magkapera?”
Tugon nito, “Sa ngayon siguro kahit patulayin ako sa alambre eh, gagawin ko!
May malalim palang dahilan ang Cinemalaya 2012 Best Actor, kung bakit niya nasabi ang mga katagang ‘yun. “Oo ‘yung panganay kong anak, may sakit, mayroon siyang hunter syndrome, mabilis tumanda ‘yun kaya… ‘Yung ano lang naman niya, ‘yung mga buto lang… tapos tinutubuan siya ng ano… wala pa raw medication, ano pa lang eh, basta hindi ko na iniisip…”
Ayon pa sa ulat, hindi raw madali para sa aktor na makitang mahirapan ang kanyang anak kaya naman kahit na anong trabaho ay kaya nitong gawin, kahit na ang sinabi nitong ‘pagkapit sa patalim’.
Tanong pa sa kanya, “May award ka na. Doon sa sinasabi nating pagkapit mo sa patalim, gagawin at gagawin mo pa ba siya kung gipit ka? “Hmmm, kahit sino naman siguro pagka-ano (gipit).
Hindi ba siya nahihiyang sabihin ito? “Ah, hindi ako nahihiya. Kasi ano eh, hindi naman para sa ‘kin eh, kasi hindi ko kayang magutom ‘yung anak ko.”
Sa ngayon, may isa lang hiling si Kristoffer. Ito daw ay para hindi na niya makuha pang ‘kumapit sa patalim’.
Pakiusap niya, “’Yun lang isang regular lang na trabaho na… kasi sa indie hindi ko alam kung kailan ako kikita, hindi ko alam kung kailan ‘yung susunod…”
Sa ngayon, lahat daw ng kanyang paghihirap ay kanyang iniaalay sa kanyang pamilya, lalong lalo na sa kanyang mga anak dahil, “Alam nila kung gaano ko sila kamahal… basta, sila na lang ang kayamanan ko eh…”
Marami ang nakisimpatiya kay Kristoffer dahil sa pagiging honest nito. Hindi man niya tuwirang inamin kung ano ‘yung ‘pagkapit sa patalim’ na sinasabi niya, pero para sa amin, sapat na ‘yun para papurihan siya sa kanyang pagpupursige para sa kanyang pamilya.
Kasalukuyan nang nagsi-shooting si Kristoffer ng kanyang bagong pelikula under the direction of Brillante Mendoza, kung saan kasama niya sina Dennis Trillo, Meryll Soriano at Baron Geisler.
Sure na ‘to
By Arniel Serato