KUNG DATI raw ay mataas na ang tingin ng award-winning teen actor na si Kristoffer Martin sa mga bakla, mas tumaas pa raw at nadoble ang respeto nito sa mga miyembro ng ikatlong lahi dahil na rin sa pagganap niya bilang lalaking naging bading sa isang episode ng Magpakailanman na “Siga Noon, Beki Na Ngayon: The Christopher Aguinaldo Story”.
Sa pakikipagkuwentuhan nga raw ni Kristoffer kay Christopher, nalaman nito ang hirap at sakit na pinagdaanan nito bilang bading. Marami pa raw mga bagay na nalaman si Kristoffer sa kanyang kauna-unahang pagganap bilang bakla sa panayam niya kay Christopher na naging baon niya para mai-portray nang maganda at tama ang role na naiatang sa kanya sa Magpakailanman.
Mulat na nga raw si Kristoffer sa industriya na nag-uumapaw ang dami ng bading at tomboy mula sa staff, crew at director at maging producer na pawang mababait daw sa kanya. Saludo nga raw ito sa pagiging hardworking ng mga ito at sa pagiging mahusay makisama.
Maituturing na nga ito ni Kristoffer na isa sa role na kanyang ginampanan na talaga naman siyang nahirapan, dahil kailangan niyang magsuot ng masisikip na damit, sobrang ikli at masikip na short, makapal na false eyelashes at makapal na make-up.
John’s Point
by John Fontanilla