NADISGRASYA SA taping ng Luna Blanca ang young actor na si Kristoffer Martin, kung saan kinukunan ang eksenang nakabitin sila nila ng co-star nitong si Barbie Forteza sa nasabing top-rating soap ng GMA-7.
At dahil daw maraming linya sa nasabing eksena si Kristoffer, hindi na ito nagawan pang bigyan ng ka-double, ‘di tulad ni Barbie. Medyo matagal-tagal daw ang nasabing eksena kaya naman sobrang tagal na nakabitin si Kristoffer na bigla na lang nahimatay habang nakabitin. Mabuti na lang, napansin ng isang staff at kaagad-agad itong ibinaba.
Ilang minuto rin daw na unconscious si Kristoffer na labis ipinag-alala ng mga taong naroon. Mabuti na lang daw at bigla itong nagkamalay, kaya naman nawala ang kaba ng mga taong naroon.
Kung ilang araw na palang puyat si Kristoffer dahil sunud-sunod ang proyekto nito. At bago raw ito pumunta sa taping ng Luna Blanca, 3 hours pa lang itong natutulog kaya naman hindi nakapagtatakang himatayin ito, lalo na’t ibinitin siya sa isang eksenang kinunan.
NAGING MATAGUMPAY ang show ng UPGRADE kasama sina Mutya ng Pilipinas-Canada Gina Damaso, Dance Squad at DJ Joph with Vrinnel at Dheb na ginanap sa Star Mall San Jose Del Monte, Bulacan sa pakiki-pagtulungan ng Star Mall, Fragrances Of The Stars at Hammerhead.
Hindi magkamayaw ang mga dagsang taong nanood sa show na ito ng UPGRADE lalo na nang sa isang awitin ay isa-isang kumuha ng kani-kanilang kapareha ang nagguguwapuhang 7 miyembro ng sinasabing isa sa hottest boyband sa bansa na sina Kcee Martinez, Ron Galang, Mark Baracael, Armond Bernas, Rhem Enjavi, Raymond Tay at Miggy San Pablo.
Kaya naman sugod na sa mga susunod na Mall Tours ng UPGRADE na magaganap sa Sept. 15 sa Star Mall Las Pinas at sa Sept. 22 sa Star Mall Edsa Shaw. Bukod pa riyan ang regular stint ng grupo sa Walang Tulugan With The Master Showman tuwing Sabado.
ALMOST TWO weeks ang itinigil ni Jacky Woo sa Pilipinas para lang matapos ang mga eksena niya sa Death March na isang historical movie. Ito ‘yung death march sa Capas, Tarlac na maraming mga Pilipino ang namatay sa kamay ng mga Hapon. May isang Japanese actor na isinama si Jacky rito para makasama rin sa movie. Nag-enjoy ang Hapon at kahit anong Filipino food ay kinakain.
Gayun pa man, hindi pa rin natapos ni Jacky ang mga eksena niya at may kukunan pa sa pagbabalik niya sa September. Ganyan ka-dedicated si Jacky sa isang proyekto kahit mataas ang budget.
Naniniwala siyang hindi lang dito sa Pilipinas pag-iinteresan ang pelikula kundi sa iba’t ibang international competition. Nakatutuwa ang Death March shooting dahil may mga nakita kaming Japanese at Korean talents na ginamit. Dito na sila naka-base sa Pilipinas na asa-asawa na ng mga Filipina.
UNTIL NOW, wala pang pag-amin na nagmumula kina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati tungkol sa kanilang special friendship na nabuo sa set ng kanilang teleserye kung saan laging sobrang sweet daw ang mga ito, kaya marami ang naghihinalang meron nang relasyong namamagitan sa dalawa.
Pareho rin daw tanggap na ng kanya-kanyang pamilya ang mga ito, especially si Richard na sobrang close at maraming bagay na pareho sila ng daddy ni Sarah, kaya naman daw aprubado sa daddy ni Sarah si Richard at ganu’n din naman si Sarah na malapit na rin sa pamilya Gutierrez.
Everytime nga na na-iinterview ang mga ito, pulos magagandang salita at papuri ang namumutawi sa mga labi nilang dalawa at kitang-kita ang glow sa mga mata ng mga ito at may ngiti sa kani-kaniyang mga labi at ganadung-ganadong magkuwento ng tungkol sa kanilang magandang samahan.
Anu’t anuman, malalaman din ng publiko ang real score sa kanilang dalawa, lalo na’t lagi silang napagkikitang magkasama sa maraming okasyon na sweet na sweet sa isa’t isa at deadma lang sa mga taong nakapapansin sa kanilang dalawa.
John’s Point
by John Fontanilla