IT’S WORTH the wait. Ganito raw ang pakiramdam ni Kristoffer Martin sa pagsisimula ng airing ng Healing Hearts, kung saan balik-tambalan sila ni Joyce Ching.
“Matagal na rin kasi namin itong inantay, e,” sabi ng Kapuso young actor. ‘Yong pagkasabik namin na finally ay umere na siya, iyon ang mas nangingibabaw sa amin, e. Na ‘yong trinabaho namin for so many months, finally heto at ipinapalabas na.
“Na lahat ng mga eksena rito, pinag-isipan at pinaghirapan talaga. We have enough time talaga na mapaganda ‘yong material. Tapos balik-tambalan kami ni Joyce. Dito namin siguro maipapakita ‘yong gusto namin before na timpla ng soap na rom-com. Kumbaga mas napaglalaruan namin itong soap na ito dahil kumbaga light side nga siya. Although may drama siya. “Pero mostly kasi, 60 to 70 percent of the soap is more on the romantic-comedy side, e. So, masaya.
“Ang pinakagusto ko ngang eksena namin ni Joyce na nakunan na ay ‘yong sa pool na nag-swimming ako at nakita niyang nakahubad. Tapos parang natulala siya na nakita niya ako. Nalaglag siya sa pool. Tapos sinagip ko siya. Iyon ang paborito naming eksena. Kasi cute siya.”
Matindi ang laban sa ratings. Wala bang pressure silang nararamdaman ni Joyce ngayong umeere na ang pinagbibidahan nilang soap?
“‘Yon lang ang tanging pressure sa amin. ‘Yong ratings. Pero ‘yon nga… hindi naman namin hawak ang ratings, e. Ang tanging hawak namin dito is ‘yong material namin. Siyempre iyon ang pinaka-may control kami. ‘Yong material namin kung paano ba namin mapapaganda, ‘yong gano’n-gano’n. Kaya ‘yon nga… tulong-tulong. Team work lang sa production.”
Napatunayan na ni Kristoffer na may ibubuga siya kung acting ang pag-uusapan. Pero tanggap ba niya na parang hindi pa ito sapat at kailangan pa rin niya ng ka-loveteam para sa ikaaangat pa ng kanyang career?
“Siguro kasi ano, e… sasabay ka kasi sa kung anong demand ng industry na ‘to, e. Siyempre sa ngayon alam naman natin na mas nag-uungusan ang mga loveteam-loveteam dahil nga mas pumapatok sa mga teenagers.
“Pero ako naman, kahit saan siguro ako ilagay. My ka-loveteam o wala, mapa-kontrabida o hindi, gano’n. Okey lang naman sa akin. As long as ‘yong ginagawa mo pa rin, ano… ‘yong gusto mong gawin.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan