SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay gaganap bilang kontrabida ang Kapuso young actress na si Krystal Reyes. Ito ay sa bagong afternoon series ng GMA 7 na Healing Hearts, kung saan balik-tambalan sina Joyce Ching at Kristoffer Martin.
“Sa May 11 na po ang airing namin. At kinakabahan po ako!” nangiting sabi ni Krsytal.
“Ibang Krystal po ang mapanonood nila this time. Kahit po ako, nagulat din na… oh my God, ang salbahe ko! Na kapag binabasa ko ang script… wait lang, sobrang salbahe ko naman dito!”
Ginagampanan ni Krystal ang character ni Chloe na siyang magpapahirap nang husto kay Mikaela/Liza portrayed by Joyce. At marami na raw silang mga eksenang nakunan na talagang sinasaktan niya ito.
“Mabuti na lang at magkaibigan na kami ni Joyce dati pa. Kaya hindi na naging mahirap for me ‘yong mga eksenang kailangan ko siyang sampalin, sabunutan, at api-apihin.”
Malaking sugal na maituturing ang pagpayag niyang gumanap bilang kontrabida dahil nagbibida na siya sa mga naunang seryeng ginawa niya sa Kapuso Network. Hindi siya natatakot na baka ma-typecast na siya sa mga salbaheng characters?
“No’ng una po, parang natakot ako na… my God, kontrabida? Kasi, ‘di ba po, kapag kontrabida, kinaiinisan ng mga tao. Pero inisip ko na lang po na… a, baka may plano sila. Baka babagay sa akin. At gusto ko rin naman pong i-try. Para rin mas mag-mature ‘yong tingin sa akin ng mga tao. Kasi hanggang ngayon, bata pa rin po ang tingin nila sa akin.”
Eigteen years old na nga si Krystal. Pero mukha siyang fifteen years old lang nga.
Matagal ba niyang pinag-isipan bago siya nakumbinsi na gumanap bilang kontrabida?
“No’ng sinabi po sa akin na kontrabida ang magiging role ko, medyo una po nagulat ako. Na parang… wait lang, kaya ko ba ‘to? Parang mas gano’n po na… kaya ko bang panindigan? Kaya ko bang maging kontrabida? Inisip ko nang matagal talaga. Tapos no’ng nalaman ko na si Joyce pala ang makakasama ko, okey. Naging plus point po iyon para tanggapin ko. Inisip ko na lang na baka ito talaga ang para sa akin para maging mature na nga ang tingin ng mga tao sa akin.”
Sa istorya ay pag-aagawan nila ni Joyce si Jay na ginagampanan naman ni Kristoffer Martin.
“Ako po ‘yong magiging malaking sagabal o magiging malaking tinik sa pagmamahalan nila. Na… sobrang in love ako sa character ni Kristoffer na gagawin ko ang lahat para mapaghiwalay sila.”
At eighteen hindi pa raw siya nai-in love at nagkaka-boyfriend.
“Pero darating naman po ‘yan,” nangiting sabi ni Krystal. “Hindi ko muna po iniisip ang tungkol diyan. Ayoko muna pong isipin hangga’t wala pa. Para kung anuman ‘yong dumating, hindi ako madi-disappoint at magiging masaya ako.”
Pero may mga nanliligaw sa kanya ngayon? “Meron naman po.”
May mga artista na nagpaparamdam sa kanya?
“Wala po. Puro non-showbiz,” nangiti ulit ang young actress. “Hindi ko po sila masyadong ini-entertain talaga. Nilalagyan ko talaga ng line na… okey friends tayo. Ganyan po na… friends muna. Saka na ‘yan. Parang gano’n po. Kasi sa akin din po, ayoko pa rin po muna.
“Kasi nga po pakiramdam ko masyado pa akong… hindi pa ako gano’n ka-matured para mapasok sa isang relationship.
“Kasi po feeling ko kapag dumating sa akin ‘yon na… halimbawa magselos ako, feeling ko po sobrang mahi-hurt ako. So, parang… hindi pa rin po ako handa.”
Since puro non-showbiz ang mga guys na nagpaparamdam sa kanya, malamang na hindi nga artista ang magiging boyfriend niya balang araw.
“Opo. Kasi… pakiramdam ko po, selossa ako!” sabay tawa ni Krystal. “Feeling ko po, gano’n ako. So, feeling ko hindi ko kaya kapag showbiz tapos hindi ko pa siya ka-loveteam. So, parang mas gusto ko po kung magkakaroon ako ng relationship… non-showbiz. At saka parang mas tahimik kapag hindi artista ang magiging boyfriend ko.”
Pero may mga crush siyang mga actors?
“Opo. Crush ko po si John Lloyd Cruz at saka si Kuya Dong (Dingdong Dantes) po.”
Wala siyang crush na Kapuso young actor?
“Kaibigan ko po silang lahat. Ang tingin ko sa kanila… kaibigan po,” panghuling nasabi ni Krsytal.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan