HANGGANG NGAYON, laman pa ng paglibak sa internet ang pagbisita ni P-Noy sa palikuran ng NAIA. Bakit daw kailangan pang ang Presidente ang mag-inspeksyon ng kubeta? Cheap gimmick, ayon sa ilan. Ay, utak ni Carandang o Valte ‘yan. Akala nila, cute sa publiko. Diin naman ng iba pa.
Sa photo caption, kasama si DOTC Sec. Mar Roxas at NAIA Administrator. At sa mga film clips, may ipinakitang nababahuan ang Pangulo. Subalit sa lahat ng TV at mga photo ops na ‘to, mapapansing nakangiti si Roxas at NAIA Administrator. Tanong ng mga salbahe: “Anong gusto nilang ipahiwatig?”
Kubeta mentality. Marahil, ito ang isa sa mga dahilan kaya ang bayan ay subsob pa hanggang ngayon sa pusali ng kahirapan. ‘Di natin sinisisi si P-Noy. Kahit limang termino pa siya, ‘di niya malulunasan ang problema.
May kasabihan sa Ingles, “Cleanliness is next to Godliness”. Subalit sa lahat yata ng public offices at places, kulang na kulang ang sanitation at hygiene. Baboy ba tayong mga Pinoy? Sa mga sinehan at publikong palikuran, grabe ang masangsang na amoy ng ‘di hinuhugasang toilet bowls at urinals. Nakakahiya sa mga tourists.
Sa uli-uli, i-spare na natin ang Pangulo ng mabahong karasanan ng pagbisita sa public toilets. Makabubuting dagdagan na lang ang tungkulin ni Carandang at Valte para maisama ang title na Public Toilet Inspectors. Bagay sa kanila tungkuling ‘yan. Pweh.
SAMUT-SAMOT
HO-HUM! THERE we go again. “Senate calls for probe on lackluster performance in the SEA Games.” Ano pa ba ang bago dito? Simula pa ng panahong kopong-kopong, ganito na ang naka-tadhana sa atin. Biro mo, nu’ng nakaraang SEA Games, pang-anim lamang tayo at ang Vietnam ay pangatlo. Ano na nangyari sa ating elaborate and expensive sports development program? Milyun-milyon ang budget dito. At ano ang papel ng matatandang pulitiko sa ating sports development program? Mag-junket o mangumisyon? Ay naku, here we go again.
DISAPPOINTED ANG mga lider ng jeepney transport groups sa mga ipinamahaging coupon cards na pantulong sa mga drivers. Hanggang ngayon ay wala pa ring pondo ang karamihan sa mga cards na ito. Sobra ang hype na itinuon ng DOTC sa project na ito ngunit sa kabuuan ay ‘di to nakatulong sa mga drayber. Dapat bago ipinamahagi itong mga cards ay nakahandang pondohan ito ng DOTC. Sayang.
SA MARAMING nakaraang Pasko, kapansin-pansin na ‘di na uso ang pagpapalitan ng Christmas cards sa mga pamilya,kamag-anak o kaibigan. Napalitan na ang Christmas cards ng text greetings at iba pang internet outlets. Nostalgic ako sa alaala ng aking kabataan. Sa ganitong petsa ng Disyembre, kinukulit ko na ang Inay ng pambili ng Christmas cards sa aking teachers at kaibigan. Naalaala ko, 5 sentimos lang ang halaga ng isang ordinaryong Christmas card. At ang presyo ng mansanas ay 10 sentimos.
Dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon, halos nawalan na ng silbi ang postal services. Dati-rati puno ng tao. Halos lahat ng branches ng post office ay nilalangaw na lang ngayon. Bihira na akong makakita ng postman sa aming subdivision. Ang fad ngayon ay e-mail, YouTube at iba pang social networking sites.
SA MGA panahon ngayon, dapat tayong maging vigilant at maingat sa mga nagsasamantala, sa shopping malls, sa Divisoria at sa iba pang lugar na siksikan ang mga mamimili. Sa ating mga sinasakyang bus, jeeps at taxis, maging alert sa mga hold-uppers. ‘Wag tayong magsuot ng mga alahas at itabi ang pera sa ating mga secret pockets.
NAKAKAINTRIGA ANG napabalitang paghihiwalay ni Piolo Pascual at KC Concepcion. Nahahabag ako sa pagluha ni KC. She doesn’t deserve her early sorrow. All-around talented, super ganda, si KC ay may ginintuang puso sa mahihirap. Siya ay UN Ambassador sa World Food Program. Bihira ang ganyang may humanitarian commitment. She will get over it. She doesn’t deserve Piolo.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez