ANO BA’NG pumasok sa kukote ng mga pulis-Pasig at pinagkakaabalahan nilang antayin na gumaling at makalabas ng ospital si Fernan Angeles para ito ay arestuhin?
Si Angeles ay reporter ng Tribune na pinagbabaril noong March 11 malapit sa kanyang bahay sa Pasig ng isang grupo ng kalalakihan – na ang isa sa mga ito ay naibulong niya ang pangalan sa kanyang misis habang itinatakbo sa ospital. Ang pangalang “Faisal” ang kanyang ibinulong bilang isa sa mga suspek.
Matapos maibigay ng misis ni Fernan sa mga pulis ang pangalan ni Faisal, sa halip na mag-im-bestiga at alamin kung sino si Faisal, nagpa-press release ang mga pulis na ito at ipinangalandakan ang pagkakaroon ni Fernan ng outstanding warrant of arrest at nagbanta pa na aarestuhin daw agad nila ito pagkalabas ng ospital.
Mabuti naman at mabilis ang naging tugon ng Malacañang at sinabon ang mga pulis-patolang ito dahil sa kanilang pagiging pulpol at padalus-dalos. Inutusan ng Malacañang ang Pasig Police na tugisin si Faisal.
Ngayon, dapat paimbestigahan ng Malacañang kung sino sa mga pulis sa Pasig ang padrino ni Faisal. Napag-alaman na itong si Faisal ay isang sikat na drug pusher sa Pasig. Matatandaan na i-lang taon na ang nakaraan, sumikat ang Pasig dahil ni-raid ng mga pulis-Crame ang isang malawak na Shabu tiangge dito na ilang metro lamang ang layo sa munisipyo at presinto.
Naalala ko tuloy ang kaso ni Tyrone Kennedy Terbio, isa sa mga suspek sa pagpatay kamakailan sa UP Los Baños student na si Ray Peñaranda at sumurender sa akin.
Inamin sa akin ni Terbio na siya at iba pang mga kriminal na gumagala-gala sa Los Baños ay alaga ng mga pulis doon. May isang kaso pa nga raw, minsan, sa halip na siya ay ikulong matapos siyang ituro ng kanyang ninakawang biktima, ang biktima pa raw ang binitbit sa presinto at siya ay agad na pinakawalan.
ANO RIN ang pumasok sa kukote ng mga taga-BIR na balak nilang paimbestigahan si Pambansang Kamao Manny Pacquiao dahil sa posibleng hindi raw pagbayad nito ng buwis sa kanyang kinita sa mga laban niya sa Las Vegas?
Kung ganoon, balak din bang pagbayarin ng BIR ng buwis ang lahat ng mga OFW para sa kanilang mga kinita sa trabaho nila sa abroad?
Ang may karapatan lamang na magsingil ng buwis sa kinita ni Pacquiao sa boksing maging sa mga OFW ay ang bansa kung saan nila kinita ang pera. Maliban na lamang kapag dinala ni Pacquiao ang mga kinita niya rito sa ating bansa at pagkatapos ay ipinambili niya ito ng mga ari-arian at negosyo. Sa puntong ito dapat lang na magbayad siya ng buwis sa kita ng negosyong ito. At ng property tax/property gain tax para sa mga ari-arian naman na nabili niya o ipagbibili niya.
Hindi kaya gusto lamang ng BIR na magpasikat at palabasin na sila ay nagtatrabaho kaya si Manny Pacquiao ang kanilang pinuntirya at nagpa-press release? Oo nga naman, kapag isang ordinaryong pangalan ng isang negosyante ang kanilang ipapa-press release, hindi ito papatulan ng media dahil hindi ito bentahe. At hindi sisikat ang BIR.
Shooting Range
Raffy Tulfo