0917501xxxx – Sir Raffy, makikisuyo lang po, pakikalampag naman ang LTO San Juan dahil kulang kasi sila sa sistema sa pag-process ng license. Pitong oras akong nakapila. At iyong ibang mga empleyado ay wala man lang ID, hindi namin malaman kung fixer ba sila o tunay na empleyado.
0917815xxxx – Idol, ire-report ko po na rito sa intersection ng Taft Avenue at Edsa ganoon din sa Pasay na iyong MMDA enforcer ay nangongotong sa mga jeep at bus kaya lalong nagkaka-traffic sa intersection. Sana po ay makastigo ninyo sila. Salamat at more power sa inyong programa.
0908541xxxx – Sir Raffy, ire-report ko lang po na halos dalawang beses sa isang buwan ay may nahoholdap na mga jeep na biyaheng Tungko at Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan. Parehong lugar at pareho lang po lagi iyong strategy na ginagawa ng mga holdaper. Ilang taon na po itong nangyayari wala man lang pong ginagawang aksyon ang mga pulis dito. Pakikalampag naman sila na kumilos. Maraming salamat po.
0927422xxxx – Idol Raffy, ire-report ko lang po na doon sa may Pasay Road – Ayala, nagkalat ang mga grupo ng mga holdaper na sumasakay sa bus. Wala man lang mga pulis na makita kaya kahit anong oras sila umaatake. Sana po ay magkaroon ng police visibility sa lugar na iyon. Salamat po.
0947561xxxx – Sir, paki-check po iyong mga barangay tanod dito sa Barangay Niyugan, Jaen, Nueva Ecija dahil may mga baril sila, mga dating tricycle driver po ito.
0923241xxxx – Sir, dito po sa Mandaluyong iyong sa DSWD na pera para sa mahirap na programa nila ang sabi nila ay P1,400 ang makukuha kada-buwan, pero ngayon ang binigay ay P500 lang para sa dalawang buwan. Sana po mapagtuunan ninyo ito ng pansin at malinawan kaming umaasa sa tulong ng DSWD.
0917548xxxx – Sir, ire-report ko lang iyong tulay rito sa Buendia – Osmeña, ang tagal pong ginawa at ilang buwang naging traffic ang kalsada. Nang matapos ito, isang linggo lang ay sira na kaagad. Napakadelikado sa mga motorista dahil puro butas kasi. Sana po ay maaksyunan ninyo. Salamat.
0920218xxxx – Sir, isa po akong taxi driver at isusumbong ko lang po ang talamak na run-in-tandem na nangyayari malapit sa UST. Ang ginagawa po nila ay kinakaladkad ang babae dahil inagawan ng bag. Nasaan na ang mga alagad ng batas o ang mga barangay sa lugar na iyon na dapat magpatrolya at magbigay ng proteksyon sa mga tao? Pakigising naman po sila.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay napapanood Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15 pm sa Balitaang Tapat sa TV5. Pagsapit ng 2:00-4:00 pm naman, ang inyong SHOOTING RANGE ay napapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, sa programang WSR na naka-simulcast sa Aksyon TV Channel 41.
At pagdating naman ng 5:30-6:00 pm, ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapanood pa rin sa TV5, sa programang T3. At tuwing Lunes, 11:30 pm, matutunghayang nakikipagbakbakan ang inyong SHOOTING RANGE sa mga mapang-api at mapang-abuso sa programang WANTED sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo