Kuliglig

NU’NG HOUSE arrest si dating Pangulong Erap sa kanyang resthouse, isa ako sa kaibigan na masugid dumalaw sa kanya. Kalimitan ng dalaw ay Sabado ng umaga hanggang 9:00 ng gabi. ‘Pag minsan, may kasama akong kaibigan sa pahayagan, dating empleyado at iba pa.

Napakasaya ni Erap ‘pag ganitong araw sapagkat dagsaan pa ang mga pamilya at malapit o malayong kamag-anak. Halos pang-fiesta ang handa. ‘Di nawawalan ng lechon o roast beef.

Ang Tanay resthouse ay binubuo ng halos 10 ektarya, punung-puno ng mayayabong at namumungang mangga, santol, chico, at marami pa. Well-developed ang lugar na pinatayuan pa ni Erap ng isang man-made lagoon at mini-zoo. May maliit din siyang palaisdaan at may alagang limang kabayo at kalabaw. Marami rin siyang kambing at native ducks at chickens. May isang mini-chapel at big library kung saan naka-display ang kanyang maraming memorabilia.

Kuwentuhan, kumustahan, kainan at kanta-han. Kalimitan, dadako ang paksa sa pulitika, kalagayan ng gobyerno at iba pang trivia. Bandang alas-tres, may dumarating pang ibang bisita galing sa dating kasamahan niya sa pelikula.

Sa buong maghapon, bakas mo ang labis na kaligayahan sa mukha ni Erap. Ngunit ‘pag isa-isa nang nagpapaalam ang mga bisita, biglang lulungkot ang kanyang mukha kahit pinipilit niyang ngumiti.

Wika niya: Ngayon ko nabatid ang kahulugan at kahalagahan ng kalayaan. Walang maipapalit na kaligayahan dito.

Minamarapat kong ako ang magpahuli sa mga namamaalam. Sige, balik ka uli. Magsama ka pa ng ibang kaibigan, ‘yong nakaalaala pa sa akin. Bulong niya habang namumuo ang kaibang lungkot sa kanyang pisngi.

Dagdag niya habang nakaakbay sa akin, ‘pag alis ninyo, ‘di naman ako lubos na malulungkot. Marami akong kasama rito. Tumawa siya habang pinipisil ang aking kamay.

Nakinig mo ang ingay na ‘yan? At nu’ng sandaling ‘yon pumutok sa aking tenga ang na-kabibinging huni at awit ng mga kuliglig.

SAMUT-SAMOT

 

MAITUTURING BANG “snub” ang inaasal ng Chinese President sa ‘di nila pagkikita ni P-Noy sa APEC meeting sa Russia kamakailan? Yes at no ang sagot. Unang-una. ‘di ‘yon okasyon ang nararapat na venue sa pag-uusap ng dalawa tungkol sa Spratley issue. Over-eager kasi ang mga drumbeater ni P-Noy. ‘Wag lang ‘di maka-media mileage, upak lang nang upak. ‘Yon, nagmukhang basang basahan tayo. Mga utak-biya.

MAY NAG-TEXT na paggising sa umaga dapat pasalamat agad sa Diyos. Ibig sabihin, binuhay ka pa ng isang araw kasi may misyon ka pa sa lupa. Kaya bawat buhay sa araw dapat gugulin sa paggawa ng mabuti sa kapwa at papuri sa Diyos. Ang sentro ng lahat, bawat araw, ay Diyos. Ito lamang ang dahilan at kahulugan ng buhay na napakaikli. Kung papaano ka naglingkod sa Diyos at kapwa: ito lamang ang magiging sukatan ng iyong ikalawang buhay.

NINGAS-COGON. ITO ang kultura ng Pinoy. Puro pasimula, wala tayong natatapos. Isang newly-promoted Police General ang buong giting at gilas na nagwiwika: ibabalik ko ang puri at dangal ng kapulisan. Disiplina ang susi sa pagbabalik nito. Palakpakan. Malakas na palakpakan. Tingnan natin pagkaraan ng anim na buwan. Balik ugali. Pangako ay napapako. Pangako ay lululunin ng mabaho at tiwaling sistema. Masakit. Ngunit totoo.

‘DI KAMI sang-ayon na gawing tourist exhibits ang mga sequestered multi-million jewelry collections ni Imelda Marcos. ‘Di magandang reflection ito sa ating moral values kahit malaki pa ang kikitain ng pamahalaan. Ganito na ba tayo kahirap at kagarapal? ‘Di rin ba nakalulungkot na pagkaraan ng 25 taon, wala pang nangyayari sa paglilitis sa Marcos cronies. Kahit isang kaso wala pang naipanalo ang gobyerno. Wala ni isa mang naipakulong. At ang hapdi nito, natirang mga Marcos ay namamayagpag pa ngayon sa pulitika.

SANA’Y TULUY-TULOY na ang paggaling ni PMA Cadet Alfonso Aviles. Nakaraang linggo gumi-sing na siya pagkaraan ng 2 linggong pagka-comatose. Matatandaang si Aviles ay nabaril sa ulo nang ipagtanggol niya ang mga pasahero sa isang jeepney sa Q.C. Pambihirang kabayanihan na dapat purihin at parangalan.

SALAMAT NATAPOS din ang maalingasngas na isyung kinasasangkutan ni dating DILG USec Rico Puno. Ngunit ‘di dapat matapos ang kaso sa kanyang pagbibitiw. Maraming tanong pang dapat sagutin. At paratang na dapat imbestigahan. Sa simula pa, sakit na ng ulo ni P-Noy ang kanyang matalik na kabarilan. Buti’t natauhan siya.

MATAHIMIK NA ginunita ang 9/11 New York tragedy na ikinamatay ng mahigit 10,000 tao sa kamay ng Al-Queda terrorists. Ang pangyayari ay nagbago sa mundo at nagpaigting sa paglaban sa terrorists. Naputulan ng ulo ang terrorists sa pagkapatay sa kanilang lider na si Osama Bin Laden sa Pakistan nu’ng nakaraang taon. Panaka-naka na lang ang atake ng Al Queda. Ngunit ‘di dapat ang mundo ay mag-relax ng vigilance.

TULUYAN NANG nawalan ng interes ang mara-ming boxing fans kay Manny Pacquiao. Maaaring ang susunod niyang laban – Marquez, Bradley o Mayweather – ay curtain call na. Labis na naging palalo ang champ. Kung anu-anong sinasawsawan. At ‘di siya naging role model sa madla. Tutal naman, bilyonaryo na siya, puwede nang magpahinga. ‘Di na siya pinagkakaguluhan sa public places. ‘Pag minsan ay iniiwasan pa. Ganyan ang buhay. Parang umiikot na gulong.

TUMIGIL NA ang batuhan ng putik nina VP Binay at Korina Sanchez. Counter-productive. Sawang-sawa na tayo sa intriga at away. Positibo naman para maganda ang karma ng bayan. Mga ito ay nagbabadya na malapit na ang susunod na local election. Umiikot na ang mga puwet ng mga kandidato. Circus time is approaching. Fasten your seat belt!

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleKelangan Bang May Kinalaman Sa Trabaho Ang Pagkamatay?
Next articleKanino Ibibigay ang Piyansa?

No posts to display