ISA AKONG OB-GYNE rito sa isang ospital sa Jeddah. Marami-rami na rin akong naging pasyenteng OFW rito. Ang isa sa mga naging pasyente ko ay isang babaeng domestic helper. Matapos ang aking medical examination, natuklasan kong may mga palatandaan siya ng rape o panggagahasa. Noong unang tanungin ko siya ay hindi siya umamin. Pero matapos ang aking pangungulit, umamin din siya na siya ay ginahasa ng kanyang amo.
Tinanong ko siya kung bakit ‘di siya nagsumbong sa mga awtoridad. Ayon sa kanya, may mga kakilala pa siyang mga babaeng OFW na dumaan din sa ganoong mapait na karanasan pero takot na magsumbong sa pulis. Aniya, sa bansang ito, ang sinumang biktima ng panggagahasa ay siya pang ikinukulong kapag nagsumbong.
Nang payuhan ko siya na magsumbong sa pinakamalapit na konsulada ng Pilipinas, ayaw niya ring magsumbong dahil baka makarating sa mga awtoridad ang pangyayari at tiyak na siya pa ang paparusahan. Ano na lang ang p’wede n’yang gawin? —Dr. Meriam
PROBLEMA TALAGA ‘YAN sa ganyang mga bansa, lalo na sa Middle East. Kadalasa’y wala tayong magawa dahil iyon ang pinaiiral nilang batas. Kahit sa iba pang kaso tulad ng mga vehicular accident na may sangkot na Pilipino ay laging lugi ang OFW.
Kaya nga mahalagang maipaliwanag ito sa ating mga kababayan bago pa man sila mag-abroad. Hindi natin dapat asahang kung ano ang batas sa Pilipinas ay ganoon din sa ibang bansa.
Sa problemang inilapit mo, wala pa ring dapat gawin ang biktima kundi magsumbong sa mga opisyales ng Pilipinas doon. At tiyak na alam nila kung paano hahawakan ang ganyang mga kaso.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo