NOON TAONG 2004, isinagawa ng Reader’s Digest Magazine ang “Lost Wallet Test” kung saan 80 wallet ang sadyang winala sa Metro Manila at titingnan kung ilan ang magsasauli nito. Sa walumpung wallet na ipinakalat sa Metro Manila, 65 na mga wallet o 80% nito ang naibalik sa mga nagsagawa ng pagsubok. Kamakailan lang, ang parehong magasin ay nagsagawa ng kahalintulad na pagsubok kung saan tatlumpung cellphones ang sadyang winala at kinalat sa Metro Manila. Sa pagkakataong ito, 27 sa 30 o 90% ng mga cellphone ang naisauli sa mga researcher.
ANO ANG sinasabi ng mga datos na ito tungkol sa ating mga Pilipino? Malinaw na ipinahahayag nito na hindi pa rin nawawala ang pagiging matapat at mabuting loob ng karamihan sa ating mga kababayan. Ipinakikita ng mga resultang ito na mataas ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa katapatan. Karaniwang maririnig ang ating mga kababayan na nagsasabing “‘Di bale nang maghirap huwag lang magnakaw.” Naging bahagi na nga ng kultura ni Juan Dela Cruz ang pagiging isang matapat na mamamayan.
Minsan ay tatanungin mo talaga ang iyong sarili na bakit ang mga simpleng tao na nakasasalubong natin sa araw-araw at kadalasa’y hindi pinapansin, pinahahalagahan, hindi nginingitian o minamata pa ng ilang mayayamang kababayan natin, ang siyang tunay na nagpapakatao. Silang ang matatapat at gumagawa ng kabutihan sa kapwa ngunit sa kabila nito’y hinahamak pa ng ilan. Samantalang ang ilang mga mambabatas natin ay walang pakundangang pinagnanakawan ang kabang bayan.
DUMARAMI ANG mga taong patuloy na nagpapakita ng kabutihang loob sa pagsasauli ng mga bagay na napulot nila kung kaya’t walang humpay na pinararangalan ng Wanted sa Radyo na ang mga bayaning ito tuwing huling Biyernes ng buwan. Ito ay upang sila ay maging inspirasyon ng mabuting asal at pagmamalasakit sa bawat Pilipino.
Kaya noong November 29, 2013 pinarangalan muli ang sampung mga tapat na mamamayan sa pamamagitan ng 14th Gawad Katapatan na ginanap sa studio ng Radyo 5 sa TV5 Compound, 762 Quirino Highway San Bartolome, Novaliches, Quezon City. Sila ay si (1) Manolo A Caisip, nagsoli ng bag na naglalaman ng P40,000, tatlong cellphones at isang relo. (2) Michael Martirez, ibinalik ang isang wallet na naglalaman ng P5,700. (3) Elvis Visitacion, nagsoli ng bag na naglalaman ng 27 cellphone. (4) Carlito Hernandez, (5) Antonio Teodore, (6) Elmer Castigon at Rodolfo at (7) Delos Santos pawang mga nagsoli ng mga iPhone. Samantalang sina (8) Luciano Jacosalem, (9) Jesus M Villacortez at (10) Sonny Callos naman ay nagbalik ng mga napulot nilang Samsung Galaxy phones. Sina Carlito Hernandez at Jesus Villacortez ay pawang hindi nakadalo sa awarding ceremony.
Shooting Range
Raffy Tulfo