KUNG AKO kay Presidente Noynoy, kukumbinsihin ko ang biyuda ni Sec. Jesse Robredo na si Atty. Leni para tumakbo sa 2013 midterm elections bilang senador. Siyempre ‘di agad ngayon at bigyan muna siya ng pagkakataong makapagluluksa.
At kapag pumayag si Mrs. Robredo, nakatitiyak na ang kanyang landslide na pagkakapanalo. Ito kasi ang isusukli ng taumbayan kay Sec. Jesse dahil sa kanyang pagiging isang matino at mabuting opisyal ng gobyerno.
Pero sakali mang hindi pumayag si Mrs. Robredo, maaari pa rin itong hikayatin ni P-Noy na tumulong na lang sa kanyang administrasyon. Puwede niya itong bigyan ng magandang puwesto at tiyak na magiging maayos ang pamamalakad ni Mrs. Robredo dahil magkaugali sila ng kanyang mister. Siyempre, kasama na rin dito, hindi niya sisirain ang napakabangong alaala ng kanyang asawa.
KUNG AKO pa rin kay Presidente Noynoy, mas pakikinggan ko ang payo ng kanyang mga kapatid na babae na sina Ballsy, Pinky, Viel at Kris kaysa sa mga alipores niyang palaging nakapaligid at sumisipsip sa kanya.
Ang mga kapatid niyang ito ang mayroong tunay na pagmamahal at pagmamalasakit sa kanya. Kapag nagbigay sila sa kanya ng payo, isasaalang-alang nila ang kanyang kapakanan at kabayanihan ng kanilang mga magulang.
Hindi tulad ng mga alipores niya na sa bawat payo o bulong na idadapo nila sa kanyang tenga may kapalit ito na bagay na pagkakakitaan nila.
KUNG AKO pa rin kay Presidente Noynoy, sisibakin ko si Department of Education Secretary Armin Luistro dahil sa pagiging saksakan ng inutil. Inutil sa pagsugpo sa talamak na pangongotong ng mga guro at principal sa mga estudyante sa public elementary at high school.
Magmula sa pasukan hanggang sa katapusan ng pasukan – all year round – walang patid ang sumbong ng mga magulang ng mga mag-aaral sa nasabing mga paaralan hinggil sa pangingikil sa kanilang mga anak ng mga kawani ng mga eskuwelahang ito.
Ang madalas na walang kamatayang sumbong ay hindi pinag-e-exam ang mag-aaral na hindi makapagbibigay ng tong para sa test paper. Ang masaklap pa, sa maraming pagkakataon, pinahihiya at pinarurusahan ang isang mag-aaral sa harap ng kanyang mga kaeskuwela kapag walang maibigay ng tara.
Ngunit hindi lamang pangongotong para sa test paper ang reklamo ng mga magulang kundi pati na sa contribution para sa kung anu-anong school project kuno. Ang PTA ang gina-gamit na front sa mga pangongotong na ito dahil naidaan daw dito at naaprubahan ang nasabing mga school project.
Pero ang pinakamatinding kawalanghiyaan, pati ang panggastos sa pagpapa-renovate ng mga classroom at kubeta ay pilit pa ring kinikikil sa mga mag-aaral.
Alam kaya ni Luistro ang mga problemang ito at nagtata-nga-tangahan lang siya o sadya lang talaga siyang inutil at tanga sa mga seryosong problemang kinakaharap ng mga mag-aaral sa mga public school.
Ngunit bago sibakin si Luistro, dapat sigurong obligahin siyang gamitin ang mga kubeta sa mga paaralang ito at umebak para masubukan niyang masinghot ang saksakan ng baho at panghi rito. At habang siya ay umeebak, maranasan niyang siya ay pinagpipiyestahang bosohan sa mga butas-butas na dingding ng mga kubetang ito.
Mainam din siguro na obligahin si Luistro na bisitahin ang mga paaralan na wala talagang kubeta. At kapag siya ay na-jingle, pumunta siya sa isang sulok ng classroom at umihi sa dala niyang empty plastic water container – tulad ng ginagawa ng ilang mga estudyante sa ilang public school.
Shooting Range
Raffy Tulfo