MAINIT NA PINAG-UUSAPAN ngayon ang isyu sa pagitan namin ng alagang si Vice Ganda. Kami nga ay hinahabol ng mga TV crew, pero mas pinili naming ‘wag magsalita.
Dahil katwiran din namin, nu’ng buuin namin ni Vice ang aming relasyon bilang magkaibigan at manager-talent, hindi naman kasali ang buong bayan, so ba’t kami magpapaliwanag?
‘Di ba, dapat, kaming dalawa rin ang umayos ng problema? Ba’t kailangan naming magpaliwanag sa ibang tao? Makakatulong ba o makakalala?
Sa halip, nagbigay na lamang kami ng statement sa The Buzz para maunawaan din ng ibang tao ang aming panig since si Vice na ang nag-umpisa ng pagsasabi sa presscon ng Praybeyt Benjamin na matagal na kaming hindi nag-uusap at hindi na kami masyadong close.
Honestly, walang echos ito. Hindi kami na-offend sa pagiging honest ni Vice nu’ng tanghaling ‘yon. To think na nandu’n pa mismo kami sa presscon na ang ilang mga pares ng mata ay nag-pan sa amin para tingnan ang aming reaksiyon kung kami ba’y napahiya o natuwa sa pag-amin ni Vice?
Nakangiti kami, kasi noon pa ay kilala naming diretsong magsalita si Vice. Sasabihin niya kung ano ang saloobin niya.
At dahil hindi nga kami nag-uusap (matagal na), hindi namin siya nabilinan kung ano lang ang dapat niyang sabihin sa presscon niya.
Nahihiya nga kami, dahil hindi naman kami kasali sa pelikula. Ni cameo role, wala rin kami sa Praybeyt Benjamin, kukunin pa ba namin ang spotlight sa ibang cast ng pelikula na dapat sana’y sila ang naipo-promote at nagpo-promote?
Kukunin ba namin ang microphone nu’ng time na ‘yon para balansehin ang sinabing ‘yon ni Vice? Hindi. Pero after the presscon, nilapitan kami ng isang TV crew para kunan ng panig.
Pero pinili naming manahimik, dahil “moment” ‘yon ng buong cast ng pelikula, hindi namin moment. Kaya behaved lang ang byuti namin.
SA THE BUZZ ay itineks namin ang message na ito: “Wala ka-ming ipinagkaiba ni Vice Ganda sa ibang relasyon. Kaya kami walang kontrata, dahil ang turingan namin ay mag-ina, magkaibigan, magkapatid at magkapamilya na nagkakatampuhan, hindi nagkakaintindihan at nagkakasamaan ng loob.
“Puwedeng ayusin, puwede ring tapusin. Kung sasabihin niyang mahal niya ako, mahal ko rin siya. Kung sasabihin niyang ayaw na niya sa akin bilang manager niya, wala naman din akong magagawa.
“Anuman ang sabihin niya, ‘yun na rin ang sa akin. Anuman ang desisyon niya, ‘yun na rin ang desisyon ko. Kung ano ang makapagpapasaya sa kanya at makagagaan sa kalooban niya, ibibigay ko sa kanya. Kasi, mahal ko siya.”
SA KABILA NG pagkakaroon namin ng maraming kaibigan sa industriyang ito, in fairness, may naipundar din kaming mangilan-ngilang “detractors”.
Sila ‘yung tipong kung ano lang ang gusto nilang makita, marinig at mabasa, ‘yun lang ang kanilang paniniwalaan. Hindi sila makakakita ng mga good traits mo, dahil naka-concentrate sila sa paninira sa ‘yo.
At hindi na rin kami dapat pang ma-shock kung kunin nila ang isyung ito para kami’y tira-tirahin sa kanilang pinagsusulatan o sa kanilang TV show.
Saka na lang kami masa-shock kung pupurihin kami ng mga kalaban. Gano’n lang naman ‘yon.
Pero sa mga totoong kaibigan namin sa showbiz na kahit na ke kampihan kami o hindi kami kampihan basta nakakaunawa lang, maraming salamat.
Gasgas nang linya ito, pero gagamitin pa rin namin: “This too shall pass.”
Oh My G!
by Ogie Diaz