SA BUHAY ng tao, punung-puno ito ng mga pagkakataon. Kay raming oportunidad ang ibinibigay sa atin. Kaya lang kung minsan, atin itong pinalalagpas. Kaya kung mabigyan ka ng second chance, anong gagawin mo rito?
Ano nga ba ang tinutukoy ko? Bakit ba parang punung-puno ng hugot ang aking mga nasasabi? Pagpasensyahan n’yo na po. Sadyang marami lang akong feelings. Gaya ng feelings na nailabas sa kasagsagan ng One More Chance phenomenon. Tama! One More Chance nga. Sino ba naman ang makalilimot sa pelikulang ito? Kahit walong taon na ang lumipas nang una itong ipinalabas sa mga sinehan, gaya nga ng sinabi ko kanina, ramdam pa rin ang emosyon na nakuha mula sa makasaysayang Tagalog romantic film na ito. Hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang mga quotable lines nina Popoy at Basha. Ginagawa pa itong status sa mga social media sites gaya ng Facebook at Twitter. Naging “socially acceptable” din ang three-month-rule nina Popoy at Basha. Naging sikat din ang favorite restaurant at tambayan ng barkada nina Popoy, ang Bellini’s. Naging uso ang hairstyle ni Basha. At maraming-marami pang iba.
Kaya naman ngayong taon, nang inanunsyo na magkakaroon ng sequel ang One More Chance, na papamagatang A Second Chance, samu’t sari ang mga reaksyon mula sa mga Pinoy. Maraming nagulat, maraming natuwa, maraming na-excite, at marami ring nagtaka. Malaking pressure ito para sa grupo ng bumubuo ng One More Chance, dapat mahigitan o mapantayan man lang ng A Second Chance ang tagumpay na natamo ng One More Chance. Saan ka ba makakikita ng pelikula na isinalibro. Aba, One More Chance lang! Sanay tayo sa mga isinasapelikula na kuwento mula sa mga nobela, pero ibahin n’yo ang One More Chance, ito ay ginawang nobela matapos ang matagumpay na pagpapalabas nito bilang isang pelikula.
Noong nakaraang buwan lamang, ipinalabas ang teaser ng A Second Chance, kung saan mas mature na ang ating minahal na sina Popoy at Basha. Para bang buhay mag-asawa na ang kanilang kinahaharap. Intense ang emosyon kahit teaser pa lamang ito. At kahit teaser pa lamang, aba, aba, aba… matapos ang isang araw, umabot agad sa isang milyon ang views nito! Ganoon ka-intense ang tambalang Popoy at Basha. Hindi lang ‘yan, kasabay ng pagpapalabas ng makabagbag-damdamin na official trailer ng A Second Chance, pinal na ring inanunsyo ang pagpapalabas nito sa sinehan ngayong Nobyembre.
Talaga nga namang kaabang-abang ang One More Chance sequel na ito. Mapa-bagets at mapa-feeling bagets, nakaabang na sa showing dates ng A Second Chance. Nakatutuwang isipin na kahit fictional characters lang sina Popoy at Basha at ang kanilang istorya, naging bahagi na ito ng buhay ng mga Pilipino kaya hindi maitatanggi na ngayon pa lang, panibagong hit na naman na pelikula ang A Second Chance. Kaya mga bagets, ano pang hinihintay ninyo. Panoorin muli ang One More Chance, para makasabay sa takbo ng bagong istorya na A Second Chance! Sayang ang chance, huwag itong palagpasin pa!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo